IKA-APAT NA LINGGO SA KUWARESMA K
SARIWANG ARAL, LUMANG
KUWENTO
Ano pa ba ang matututunan sa
kuwento ng alibughang anak? Maliban siguro, ang iwasang maging tulad niya. Minsan
akala natin, alam na natin lahat tungkol sa kuwento. Basta huwag lang tayong
maging alibugha sa ating mga
magulang at lalo na sa Diyos.
Pero alam ninyo ba na may
nakatagong pag-asa sa kuwentong ito tungkol sa karanasan ng awa ng Diyos?
Modelo ng masamang ugali ang anak
na ito – kinuha ang mana, iniwan ang pamilya, namuhay nang maluho, nilustay ang
kayamanan, at ngayon, lugmok sa kahirapan.
Nakakagulat lang, nang mawala ang
lahat, gumawa ang anak ng isang napakahalaga at napakatapang na desisyon –
babalik siya sa Ama. Mahirap yata iyon. Nakakahiya yata iyon. Pero tatahakin
niya ang daan pabalik sa pinanggalingan.
May naghihintay ba sa kanya doon?
Siguro konting pagkain, isang mahihigan sa gabi. Pero paano mo tititigan muli
ang mata ng Ama habang nakikinig sa kanyang pangaral? Paano mo haharapin ang kuya mo? At pagtatawanan ka kaya ng
mga alipin ninyo sa bahay at sa bukid?
Tila may kakaibang inspirasyong
natanggap ang bata. Tumayo siya, at dali-daling naglakad pauwi, hindi alintana
ang takot o kahihiyan. Naging mababang-loob siya na hingin ang awa ng Ama. Wala
na siyang kayabangan. Sa puso niya, may malaking sugal na gagawin: magtitiwala
siyang hindi siya itataboy ng Ama. Maiintindihan siya ng Ama tulad ng dati.
At nangyari nga ito. Sa halip na
galit, niyakap siya. Sa halip na sermon, tinanggap siya. Sa halip na kahihiyan,
binigyan siya ng karangalan.
Kapag nawala tayo sa biyaya ng
Diyos, ang dali na maligaw ng landas. Tutuksuhin tayo ng kayabangan natin na huwag
nang bumalik pa. Tutuksuhin tayo ng takot na magpakalayo-layo na lamang.
Subalit ang biyaya ng Diyos ang
nagsasabi sa atin na magsisi, humingi ng tawad, magmakaawa, at maranasan ang
walang kapantay na pag-ibig ng Diyos. Ngayong Kuwaresma, tulad ng alibughang
anak, magtiwala muli tayo na mauunawaan tayo ng Diyos.