IKALIMANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K

-->
MAGDASAL UPANG MAGPATAWAD





Napanood ko minsan ang video ni Immaculee Ilibagiza, isang babaeng nakaligtas sa patayan ng mga tribo sa Rwanda noong 1990’s. Nakapagtago siya sa toilet ng kapitbahay na pastor na Protestante. Napatay ang buong pamilya ni Immaculee. Pero sa video, nang makaharap niya ang pumatay sa kanyang pamilya, buong puso niyang pinatawad ito. Hindi makapagsalita, ni hindi makatingin sa kanya ang taong pumatay. Gulat na gulat ito sa kabutihan ni Immaculee.



Tila salamin ito ng mas nakagugulat na kuwento sa Mabuting Balita. Dinala ng mga tao ang isang makasalanang babae sa paanan ni Hesus upang husgahan at patayin. Hindi makapagsalita ang babae. Subalit nagulat ang lahat sa ginawa ni Hesus. Hindi siya nanghusga. Sa halip, pinauwi niya ang babae na taglay ang baong buhay at bagong lakas upang magbago at magkaroon ng mabuting kinabukasan.  Nasindak ang babae sa galit ng mga tao. Lalo siyang nagulat nang maranasan ang mapagpatawad at mahabaging Diyos sa katauhan ni Hesus.



Hindi madaling magpatawad. Paano nagawa ito ni Hesus? Paano nagawa ito ni Immaculee?



Sabi ni Immaculee, isang malaking pakikipagbuno ang proseso ng pagpapatawad. Noong una, puno siya ng galit at poot. Pero natuto siyang magdasal. Sa loob ng toilet na iyon sa loob ng 3 buwan, dinasal niya paulit ulit ang Rosaryo at ang Divine Mercy Chaplet. Unti-unti, naramdaman niya ang pag-ibig ng Diyos, maging para sa kanyang mga kaaway. Naramdaman niyang gusto niyang lumaya… at maging mapagpalaya sa kapwa. Sa loob ng toilet na iyon, nagpasya siyang magpatawad. Nagpasiya siyang tahakin ang landas ng pag-ibig at hindi ng galit.



Tiyak maraming nakasakit sa ating buhay. Natural, gusto natin ngayon lumaban at gumanti. Pero bilang mga Kristiyano, may kasangkapan tayo upang maghilom ang ating galit at gawin itong pagmamahal. Iyan ang panalangin. Si Hesus ay mapagpatawad dahil nakilala niya ang pagibig ng Ama sa malalim na panalangin. Si Immaculee ay nakapagpatawad dahil pinalambot ng Diyos ang kanyang puso sa tulong ng panalangin.



Isang malaking hamon ang magpatawad. Ngayong Kuwaresma, simulan nating magpatawad sa tulong ng pagdarasal nang tapat, seryoso, malalim – para sa ating sarili at sa ating kapwa. Palayain nawa ng Diyos ang ating puso, palambutin ito at palayain tayo… at palayain din ang ating mga kaaway…  Amen.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS