IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A


ANG HENTIL SA ATING PALIGID

 



Sa Mabuting Balita ni Mateo, matatagpuan ang mahalagang aral para sa simbahan, sa ika-18 kabanata. Naging institusyon ang simbahan at nadama ng manunulat na may magaganap na mga problema sa mga panahong darating. Anumang institusyon ay may taglay na kapangyarihan at lakas. Nais ng ebanghelyo na ibaling ang pansin ng mga kinauukulan sa paggamit sa atas na ito ayon sa puso at isip ni Hesus.



Ang binabanggit na kapatid ay hindi iyong ordinaryong kapamilya o kamag-anak. Ang “kapatid na nagkasala” ay iyong maituturing na alibugha sa pamayanang Kristiyano. Ang alibugha ay hindi pang-karaniwang may-sala; siya ay kontrabida, sakit ng ulo, at tunay na malaking problema. Paano kung may taong ganito sa ating simbahan, na wala nang ginagawa kundi gumawa ng kaguluhan?



Sinasabi sa atin ng Panginoon na dapat nating personal na ituwid ang taong ganito, at magdala pa ng ibang kasama kung kinakailangan. Kung mabigo ang ating pagsisikap, dapat nang ituring ang alibugha bilang isang “Hentil” (dayuhan) o isang publikano (taga-kolekta ng buwis). Sa pagtratong mungkahi, tila ba ang sinasabi ay ituring na siya bilang walang pag-asa, ligaw na tupa, isang patapon. At hindi ba ito nga ang ginagawa ng mga Hudyo sa mga Hentil na inaari nilang taga-labas at sa mga publikano bilang mga ketonging dapat iwasan ng lipunan?



Tandaan naman natin na ang pamantayan na dapat sundin natin ay hindi ang sa mga Hudyo o sa lipunan, kundi ang pamantayan ni Hesus? Paano ba ang pagtrato ni Hesus sa mga Hentil? Sa anong paraan itinuring niya ang mga publikano?



Ipinakita ni Hesus ang kanyang habag sa mga hindi-Hudyo, inialok niya ang kanyang awa, tulong at pagpapagaling sa kanila. At mula naman sa mga publikano, pumili ang Panginoong Hesus ng mga tagasunod na ginawaran niya ng pagpapatawad, bagong buhay at sariwang misyong gagampanan. Kaya kung si Hesus ang tatanungin, ang manggugulo sa paligid ay mga taong hindi natin dapat lamang iwasan o itapon na gayun na lamang. Sa halip, sila ang ating hahanapin, mamahalin, dadalhin pabalik kahit na matigas ang kanilang puso. Hindi maaaring talikuran ang sinumang kapatid na nagkasala sa atin! At kaylanman, hindi iyan ginawa ni Hesus!



Ngayon hindi maunawaan ng marami kung bakit ipinagtatanggol ng simbahan ang mga lulong sa droga at mga pamilya nilang tinutugis, pinagbabantaan at pinapatay nang sukat; o ang mga nasa kulungang nais patawan ng parusang kamatayan ng mga mambabatas na uhaw sa dugo. Dahil kay Hesus kaya nagsasalita ang pamayanang Kristiyano para sa buhay, pagpapabago at pagpapanibago.



Bilang mga kasapi ng simbahan, isipin din natin ang mga taong ayaw nating isali sa ating grupo dahil sa tingin natin hindi sila perpekto. Maraming mga Katoliko, kung maka-asta tila perpekto at kapag ang iba ay hindi nila katulad, nililibak nila at hinahamak. Matutunan nawa nating yumakap sa kapwa tulad ni Hesus at hindi lamang magtulak palayo tulad ng mga perpektong Katoliko sa paligid natin.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS