IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
“TULAD”
Katatapos ko lang basahin
ang isang munti pero magaling na aklat tungkol sa habag ng Diyos.
Sabi ng libro, may apat na kundisyon sa pagtanggap ng dakilang handog
na ito ng Diyos sa mga mahihina, makasalanan, sugatan at
nagkakamaling mga anak niya. Ang una ay tiwala, ang ikalawa ay
pagpapakumbaba, ang ikatlo ay pasasalamat, ang ang huli ay
pagpapatawad. Ang mabuting balita ngayon ay may magandang paliwanag
tungkol sa kahalagahan ng huling kundisyon.
Ang mensahe ng mabuting
balita (Mt. 18) ay hindi lamang na ang Diyos ay mapagpatawad. Alam na
natin iyan. Mula pa sa pagkabata, naituro na iyan sa atin. Ang Diyos
ay higit na dakila kaysa anumang kamaliang magagawa ng tao, at dahil
dito, kaya niyang patawarin ang sala, at linisin ang mantsa ng ating
pagkukulang.
Subalit ang pinupunto ng
mabuting balita ay ito: may kundisyon bago tumanggap ng pagpapatawad.
Ang tanong ng maunawaing panginoon sa kanyang alipin, na una niyang
pinatawad sa pagkakautang: hindi ba dapat nahabag ka sa iyong kapwa
“tulad” ng nahabag ako sa iyo? (cf. v. 33). Matapos ito, galit na
binawi ng panginoon ang kanyang unang pasya tungkol sa utang ng
aliping marahas.
Ang “tulad ng” o
“gaya ng” ay hindi simpleng pang-ugnay lamang sa mga salita ng
ating Panginoon. Paulit-ulit itong ginamit ni Hesus sa kanyang
pangangaral – maging banal kayo “tulad” ng pagiging banal ng
Ama sa langit; magmahalan kayo “tulad” ng pagmamahal ko sa inyo;
patawarin mo kami sa aming mga sala “tulad” ng pagpapatawad
namin... At ngayon, magpakitang habag kayo “tulad” ng pagtanggap
ninyo ng habag ng Diyos.
Bakit ba tila
ipinagpipilitan itong “tulad” na ito? Paalala ito ng Panginoong
Hesus sa atin na ang batayan ng ating pagmamahal at paglilingkod ay
hindi ang ating sarili. Ang Diyos ang huwaran ng lahat ng kabutihan,
pero hindi siya modelong hahangaan o mamasdan lamang sa malayo. Siya
ay huwarang nag-aanyaya na makilahok tayo sa kanyang paraan ng
pakikisalamuha sa mga tao, sa ating mga kapatid, at pati na sa ating
mga kaaway. Kung paano tumanggap tayo mula sa kanyang mga kamay,
gayundin, dapat nating dumaloy sa iba ang nag-uumapaw na awa ng
Diyos.
Hindi madaling
magpatawad, magparaya, makalimot at makawala sa kadena ng nakaraan.
Kung aasa lang tayo sa ating sarili, paano ba natin magagampanan ito
nang totoo at tapat? Subalit sa Diyos, lahat ay mangyayari, kung kaya
lamang nating iugnay ang ating sarili sa kanyang paraan ng pagkilos
sa mundo. Magsumamo tayong makapagpatawad tulad ng tayo din ay
pinapatawad; na magbahagi ng pagmamahal tulad ng pagtanggap ng
pag-ibig mula sa mga kamay ng Diyos.