IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
GALA
Kapansin-pansin ang
katangian ng may-ari ng ubasan sa mabuting balita ngayon (Mt 20).
Siya ay isang taong gala, yun bang hindi mapirmi sa bahay, laging
gustong lumabas, laging gustong magliwaliw. Sabi nga natin, makati
ang talampakan! Pero hindi paglilibang o negosyo o gawain ang dahilan
ng kanyang pagagala nang maraming beses sa isang araw. Misyon ang
dahilan kung bakit lumalabas siya upang maghanap ng mga taong
nakatambay at naghahanap ng trabaho. Nais niya silang dalhin upang
gumawa sa kanyang ubasan.
Marami nang naisulat
tungkol sa pagiging mapagbigay ng Diyos sa mabuting balitang ito, at
ito naman talaga ang isang makapangyarihang tema sa talinghaga.
Subalit nais kong ituon ang pansin sa isa pang katangian ng Panginoon
sa pagbasa – ang kanyang dedikasyon sa misyon na mag-alok ng
kaligtasan, mag-anyaya sa pagbabagong-buhay at magbukas ng bagong
pagkakataon para sa kanyang mga minamahal.
Hindi nag-uutos sa iba
ang may-ari ng ubasan. Siya mismo ang naghahanap ng trabahador. Hindi
nag-aatas sa ibang tao para kapanayamin ang mga manggagawa. Siya
mismo ang personal na humaharap sa kanila. At kahit na ang katiwala
ang nagpapasuweldo, ang panginoon mismo ang tumutugon sa mga pagpuna
at reklamo ng mga trabahador niya.
Dito makikita natin ang
pagsasalarawan kung paano nakikipag-daupang palad ang Diyos sa atin.
Personal niya tayong minamahal. Lumalabas siya upang hanapin,
kausapin, anyayahan at makasalamuha tayo. Malayo ito sa larawan ng
isang Diyos na abot tanaw lamang. Ang Diyos ni Hesus ang mismong
lumalapit sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Anak na naghahanap
saanman tayo naroroon at yumayakap sa atin ano man ang ating
katayuan. Diyos na abot-kamay, na kadaup-palad.
Sa panalangin,
Eukaristiya, Bibliya, at misyon, natutuklasan natin ang Diyos na
buhay, aktibo, at tunay na mahabagin. Sa katotohanan, hindi tayo ang
naghahanap sa Diyos tulad ng mga pagano noong unang panahon. Para sa
mga Kristiyano, ang Diyos ang naghahanap sa atin sa bawat sandali
dahil sa dakila niyang pag-ibig. Nawa'y makatugon tayo agad at nang
may galak sa kagandahang loob at pagkukusa na ito ng ating Panginoon.
At matapos maranasan ang
ugaling ito ng Diyos, maging handa naman sana tayong pakiharapan ang
ating kapwa na may pagmamahal, pang-unawa at pagkahabag.