DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI A
HARING-PASTOL
Ang karaniwang larawan ng
isang hari ay madaling maugnay sa mga salitang slang ngayon na lodi
at werpa. Ang lodi ay idol na binasa pabalik. And werpa ay laro sa
salitang power at binasang pabaligtad. Totoo, ang hari ay lodi ng
kanyang mga tagasunod. At ang hari ay may werpa mula sa kanyang
luklukang kinalalagyan. Ang mabuting balita ngayon (Mt 25) ang
nagpapakita na si Kristong Hari ay kumikilos bilang hukom ng mga tao.
Para sa mabubuting gawa, ang dulot niya ay gantimpala; at para sa
masasamang gawa, ang dala niya ay panghuhusga.
Kaya lang baka maligaw
tayong isipin na si Kristo ay hari dahil sa kanyang katanyagan
lamang, dahil sa pagiging lodi niya sa masa. O baka matukso tayong
isipin na siya ay hari dahil sa kanyang werpa na magaling
mag-kontrol, mag-pabuya at mag-parusa, at magpataw ng kanyang
kalooban sa iba. Tiyak na hindi itong mga katangiang ito ng hari sa
mundo ang pangarap ni Hesus para sa kanyang sarili.
Sino ba si Hesus bilang
hari? Sa unang pagbasa (Ezek 34) naroon ang tugon. Si Hesus ay hari
sa hubog ng isang pastol. Bilang hari, si Hesus ang nag-aalaga sa
tupa. Siya ang nagliligtas sa panganib. Siya ang nagdadala sa
pastulan. Hinahanap niya ang nawawala; ginagamot ang maysakit at
tinuturuang sumunod ang mga malalakas. Ito ang haring hindi naliligo
sa samyo ng pabango o nakaupo sa rangya ng palasyo. Ang paghahari ni
Kristo ay hindi matatagpuan sa luklukan ng kapangyarihan kundi sa
pakikipisan sa kawan. Ka-amoy siya ng tupa; kahalubilo siya ng
kanyang mga alaga.
Ilan
sa mga itinuturing na lodi ng lipunan o may werpa na pinanghahawakan
ang tunay na pastol din ng kanilang mga pamilya, opisina, pamayanan,
at mga samahan? Napakalaki ng tukso na ituring ang sarili na bukod at
malayo sa simpleng masa o kaya naman ay paglaruan ang buhay at
kinabukasan ng kapwa.
Ipanalangin
natin sa Panginoon na turuan tayong maging tunay na pastol kapag tayo
ay nagkaroon ng pagkakataong hiranging hari.