UNANG LINGGO NG ADBIYENTO B

4 NA PARAAN NG PAGHIHINTAY 1: 
PAGHIHINTAY HABANG
 NANANALANGIN AT NAGPUPURI




Sa youtube may isang Amerikanong nagkukuwento ng karanasan niya bilang misyonero sa Pilipinas. Naaalala niya kung paano mayroon tayong pinakamahabang Pasko sa mundo, simula sa mga –ber months, at pinakamahaba din, hanggang sa kabila pa ng Bagong Taon.



Madaling lumundag sa tinatawag na Christmas “trend” (o uso ng Pasko) dahil na rin sa mga awit, palamuti, patalastas at mga pagsisikap ng media at negosyo na pilitin ang mga taong makapasok agad sa kaisipang pam-Pasko. Pero ang Christmas “trend” ay iba sa Christmas “spirit” o diwa ng Pasko. Bilang mga Kristiyano, naniniwala tayong ang dakilang panahon ng Kapaskuhan ay dapat munang paghandaan nang paghihintay sa pamamagitang ng apat ng linggo ng Adbiyento.  Kapag may pera ka, may “bonus” na, kaydaling pumasok sa uso, sa Christmas trend. Pero kung walang paghihintay, sa isip, puso at kaluluwa, hindi mo makakamit ang diwa ng Pasko.



Simulan natin ngayon ang apat na paraan ng paghihintay sa panahong ng Abiyento.



ANG UNANG PARAAN: PAGHIHINTAY SA PANALANGIN AT PAPURI



Kayganda ng sinabi ng isang preacher tungkol sa trapik sa Edsa. Ito raw ay napakagandang pagkakataon na magdasal at magpuri sa Panginoon. Ngayon pa naman hirap tayong maghintay dahil lahat ay madali, mabilis at handa na sa isang iglap. Kaya pag naghihintay tayo, marami ang naiinis, nagagalit at nagiging marahas. Sobrang inip natin na gusto nating gumawa ng ibang bagay para tayo malibang.





Pero sa ating paghihintay, isipin nating ito ay regalo ng Diyos upang tayo ay makinig, makipag-usap at makipag-ugnayan sa kanya. Maraming mga tao ang natututong magbasa ng Bibliya, magdasal ng rosaryo at manalangin nang tahimik habang naghihintay. Ang bus, ang klinika ng doktor, ang pila, ay nagmimistulang kapilya o bisita kung saan nakakatagpo ng isang Kristiyano ang Panginoon.



Sa unang pagbasa, matatagpuan natin ang isang panalanging may pagtitiwala sa Diyos sa kabila ng ating pagiging makasalanan at masuwaying mga anak. Ipinakikilala ni Isaias ang mukha ng Diyos bilang ating Amang mapagmahal, na nagpapala sa mga taong naghihintay ng kanyang mensahe, pagbabasbas at presensya.



Kaya sa linggong ito, bakit hindi natin simulang magdasal habang naghihintay; magpuri habang tahimik na nakaupo o nakapila man. Maaaring maganap ito sa kusina, sa opisina, sa ospital o sasakyan, maging sa lansangan. At ang Diyos na nakakarinig at tumutugon sa bawat panalangin ay tiyak na magiging kapiling mo sa sandaling simulan mo ito.


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS