IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
-->
ANG DIYOS NG
MUMUNTING BAGAY
Sa pagdating sa dulo ng
kalendaryo ng ating simbahan, hinahamon tayo ng Mabuting Balita na magnilay sa
paghuhukom ng Diyos. Nananalig tayong may paghuhusga ang Diyos – isang personal
sa oras ng ating kamatayan at isang pangkalahatan pag dumating ang
maluwalhating paghahayag ng ating Panginoong Hesukristo.
Tuwing iniisip natin ang
sandaling iyon, ano ang inaasahan nating hahanapin ng Diyos na husgahan? Marami
sa atin ang nag-iisip na pakay lamang ng Diyos ang ating paglabag sa kanyang
mga batas. Ang iba naman, nag-aakala na habol ng Diyos ang mga kasalanang batay
sa Sampung Utos. Kaya nga, takot tayo sa paghuhusga ng Diyos at sa ating isip,
ang Diyos ay naging isang galit at mapaghiganting Diyos.
Sa Mabuting Balita ngayon,
pakinggan natin ang sabi ng Panginoon nang dalawang beses: “Tapat ka sa munting
mga bagay… Halina’t makisalo sa kagalakan ng iyong panginoon.”
Sa pagninilay sa paghuhukom sa
Mateo 25, nakaharap tayo sa tunay na kahulugan ng darating na paglilitis sa
harap ng Diyos. Dito, ang Diyos ay hindi naghahanap ng kasalanan, paglabag o
pagsuway sa kanyang mga utos. Hindi rin siya nagbibilang ng mga kasalanan ng
tao. Ni hindi siya nagpapaalala ng mga kamalian sa nakaraan. Sa halip, ang
hinahanap niya ay an mga “munting bagay” na isinakatuparan na may pagmamahal at
katapatan.
Naisip mo na ba ito? Ang
paghuhukom ng Diyos ay nakatuon sa kung paano natin ginawa ang mga
pang-araw-araw, maliliit, tila walang halagang atas sa atin. Masaya ka bang
naghahanda ng pagkain ng iyong pamilya? Isinasapuso mo ba ang iyong trabaho?
Matiyaga mo bang inaaral ang mga takdang aralin sa paaralan? May awa at habag
ka ba sa pagtulong sa kapwa? Sa ating pagtupad ng inaasahan sa atin, sa mga
maliliit na bagay at gawain, dito ibabatay ng Panginoon ang pagiging mabunga
natin bilang mga alagad. Ang Diyos nga ay Diyos ng mga maliliit na bagay!
Ngayon, at sa darating na mga
araw, muli nating babalikan ang ating mga gawain at tungkulin. Minsan matutukso
tayong gawin ito nang hindi halos nag-iisip. Minsan naman, pipilitin lamang
tapusin sa kabila ng pagkabagot at pagka-inip. O kaya nanaising magampanan
lamang para makuha ang upa o bayad.
Bilang mga Kristiyano,
pinaaalalahanan tayo ng Panginoong Hesus na naghihintay siya, nakikisama siya,
nagmamatyag siya sa ating mga simple at
munting mga gampanin sa buhay. Batid ito, gawin natin ang lahat para sa
ating mga pamilya, mga employer, mga pamayanan, na may galak, pananabik,
dedikasyon, at kagalingan… at oo, na may ngiti sa labi!
Halina, at makihati sa kagalakan
ng Panginoon!