UNANG LINGGO NG ADBIYENTO B

-->
PAGHIHINTAY KASAMA ANG AMA (2)




Sinasabi ng Adbiyento na tayo’y maghintay. Maghintay sa mensahe ng Panginoon. Maghintay sa pagdalaw ng Diyos. Maghintay sa Mesiyas. Maghintay sa Diyos na dumarating sa kasaysayan, sa kahiwagaan, at sa kaluwalhatian. Pero pangit na ang tingin ng tao ngayon sa paghihintay, dahil na rin sa mga progresibong teknolohiya ng mundo.



Bakit pa maghihintay kung handog na ng internet lahat sa isang iglap? Bakit nga ba maghihintay pa kung may text, phone call at twitter naman? Bakit kailangang maghintay kung madaling kumonek sa FB, Messenger, at Viber? Kung best friend mo ang Google, huwag na magsayang ng oras. Ano ba ang mapapala sa paghihintay?



Pero sa buhay, maraming dapat hintayin. Ang mga malalaking pangyayari sa buhay ay unti-unti kung maganap. Isang kaibigan ko ang matamang naghihintay sa susunod na check up ng doktor niya sa sakit na kanser. Sana nga, mabuting balita ang dala nito sa kanya. Isang mag-asawa naman ang naghihintay ng posibleng sanggol na maaampon nila sa tagal ng panahong hindi sila nabiyayaan ng isang anak.



Subalit, sanay pa ba tayong maghintay? Minsan kasi, masaya at puno ng pag-asa ang paghihintay. Pero kalimitan, puno ito ng hirap at pighati. Kaya nais na lang nating lumundag na sa resultang nais natin, sa kabila ng masamang epekto nito sa atin. Isang babae ang batbat ng problema at sa halip na maghintay ng lunas at sagot, ninais niyang wakasan ang kanyang buhay sa pagpapatiwakal. Nalutas ba ang problema? Hindi! Lumaki pa nga ang gastos, at pati mga tao sa paligid ay naapektuhan at nabahiran ng problema.



Kapag mahirap at mapanghamon ang maghintay, alalahanin nating naghihintay tayo kapiling ang Diyos. Alalahaning maghintay sa Diyos, sa kanyang mga pangako, mga biyaya at pananatili. Sabi ng unang pagbasa (Is 64:4), ang Diyos ay Ama at ang naghihintay sa kanya ay napupuno ng kagalakan. “Sapagka't hindi narinig ng mga tao mula nang una, o naulinigan man ng pakinig, o ang mata ay nakakita man ng Dios liban sa iyo, na iginagawa niya ng kabutihan ang naghihintay sa kaniya.”



Sa Adbiyentong ito, matuto muli tayong maghintay… sa Diyos… kasama ang Diyos… ating Ama!








Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS