IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K




ANG HINAGPIS NG PAGKAWALA







Sa mabuting balita itinuturo sa atin ang galak ng pagkakatagpo sa nawawala – maging tupa, barya o anak man!

Pero mapapahalagahan mo lamang ang galak ng pagkatagpong muli kung alam mo ang sakit ng pagkawalay.

dapat mawala ang talagang mahalaga sa iyo, makabuluhan sa iyo, importante sa iyo…

bago mo ma-angkin ang galak ng muling pagkakamit nito.



Ano ba ang paki natin ngayon sa nawawalang

tupa, o barya o anak na matigas ang ulo?



Pero feel natin kung gaano kahirap mawalan… ng isang cell phone

… lalo at nariyan lahat ng kontak mo,

lahat ng foto mo,

pati pinakaiingatang messages mula sa jowa mo!

Ang isang kabataan ay handang mawalan – ng libro, uniporme,

allowance o kahit ng syota…

huwag lang ang cell phone! Guguho talaga ang daigdig niyan!



Hanga tayo sa mga muling pagtatagpo ng mga nagkahiwalay na

magkakapatid, o magulang at anak, o kababata, o

dating ka-love life.

nakiki-iyak tayo, nakiki-tawa tayo, nakiki-galak tayo sa kanila.



Pero nauunawaan ba natin ang mga luha ng pagkahiwalay,

ang nakababaliw na paghahanap,

ang nakakapuyat na pag-aalala,

ang laging pagtanaw sa bintana o pagbabantay sa pintuan,

ang kawalang kasiguraduhan na mayayakap pang muli ang minamahal?

Feel mo ba ang karanasan ng pastol, ng babae, o ng ama sa mabuting balita ngayon?



Ipinapahiwatig ng Panginoong Hesus na umaapaw ang galak ng Diyos sa langit

dahil bago iyon namugto ang kanyang mga mata sa luha,

halos sumabog ang kanyang ulo sa pagkabahala,

nagdugo ang kanyang puso sa dalamhati,

nadurog ang kanyang pagkatao at nagkapira-piraso,

nang tumalikod sa kanya ang sinuman sa kanyang minamahal na mga anak.



Sa sandaling maunawaan natin ang pait na pinagdadaanan ng Diyos

sa tuwing tinatanggihan ang kanyang pag-ibig,

itinatakwil ang kanyang plano sa ating buhay,

at nilalabanan ang kanyang kalooban,

saka lang natin makikita kung gaano natin mapapasaya siya kapag tulad ng

alibughang anak, tayo din ay magbabalik sa kanya.


Isang kuwento:

Nag-alala nag mag-asawa dahil hindi umuwi ang

tanging anak na dalaga.

nagtanong sila sa mga kapitbahay,

lumuwas pa ng Maynila,

nag-report sa pulis,

nagtatawag sa mga kamag-anak, kaibigan at kaklase.

umuwi silang sawi dahil hindi matagpuan ang anak

at takot na takot dahil baka napahamak na ito.



Pagpasok sa bahay, laging gulat nila

nang makitang nakalupasay sa sofa ang dalaga.

Mukhang pagod at tulog na tulog

galing marahil sa magdamag na pag-gimik kasama ang  barkada.



Ang makita lamang ang anak ay pumawi ng takot at nagpa-kalma

ng pagka-nerbiyos.

Wala nang tanong pa, walang paninita, walang pagsumbat ni anuman.

Nakauwi na ang anak…. Iyan lang ay sapat na.

Bonus na kuwento:

Minsan naman, dumating sa isang lugar si San Francisco de Sales (favorite saint ko din ito!).
May lumapit na taong 25 taong gulang at kilala bilang pusakal na makasalanan.
Humiling ito ng kumpisal at pinagbigyan naman ng santo.
Sobrang hinagpis ng tao sa kanyang mga kasalanan na umiyak siya nang umiyak...
Pati si San Francisco ay napaiyak din kasabay niya...
Tumagal ang kumpisal at maraming nag-reklamo.
Tumayo si San Francisco at sinabi sa mga reklamador,
"Konting pasensya naman! Mas mabuti nang maabala ang 99 na tupa kaysa naman makalampas
ang pagkakataong makabalik muli ang isang taong ito sa kanyang Diyos." 

Nang matapos ang kumpisal, niyakap niya ang lalaki tulad ng isang tunay na ama, kaya nasabi ng iba: Tingnan ninyo at para siyang ama ng alibughang anak sa Bibliya!



Ganyan ng puso ng Diyos. Ganyan ang habag ng Panginoon!



huwag kalimutang paki share po... pls...


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS