DAKILANG KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS/ BAGONG TAON

 


INA NG AWA

 

 


 

Sinasalubong natin ang 2021 na may galak, pasasalamat at pag-asa. May galak dahil sa wakas may pangako ng bagong mga bagay na magaganap. Naging napakabigat ng nakalipas na taon subalit lahat iyan ay tapos na at handa na tayong sumulong sa kinabukasang kaaya-aya.

 

May pasasalamat dahil narito pa tayo, buhay, kapiling ang mga minamahal, survivors. Maaaring hindi lahat ng gusto natin ay nasa atin subalit meron tayo ng sapat at talagang kinakailangan natin. May pag-asa dahil bawat panimula ay pagkakataon na mangarap, maghangad, maniwala sa pangako ng Diyos at sa kakayahan nating gawin ang anumang naisin.

 

 

Sinisimulan natin ang taon kasama ng Mahal na Birheng Maria. Ipinakita ng mga karanasan sa nakalipas na taon na talagang mahalaga ang pag-aalay na ito. Sa plano ng Diyos, si Maria ay kalakbay natin sa anumang panahon. Sa gitna ng pandemya, inialay ng mga obispo ng iba’t-ibang bansa ang mga tayo kay Maria. Hiniling ni Pope Francis na idagdag ang mga bagong titulo sa litanya ng Loreto: Ina ng Awa, Ina ng Pag-asa, at Lugod ng mga Migrante.

 

Ang titulong Ina ng Awa ay mula sa masidhing debosyon ng mga tao sa Lithuania. Sa Vilinius, may bisita na nakatalaga kay Maria, Ina ng Awa. Ang larawan sa itaas ay sinasabing milagrosa, at maraming beses, iniligtas ng Ina ng Awa ang bansang Lithuania at capital city nitong Vilnius mula sa kamay ng mga kaaway at mga paghihirap.

 

Ang Diyos Ama ng awa ang nagpadala kay Hesus sa mundo upang iligtas ito at akayin sa kaharian niya. Si Hesus ang naging mukha ng awa at ikinalat niya ang pagmamahal, pagpapatawad at kapayapaan sa lahat. Hindi lamang naranasan ni Maria ang awa ng Diyos kundi nahawakan niya mismo ang Diyos ng awa na naging Anak niya. Tinanggap niya ang Diyos ng awa sa kanyang puso, sinapupunan at buong buhay. Tulad ng Anak, si Maria din ay naging sisidlan ng awa para sa kapwa.

 

Isa sa mga unang tinamaan ng covid ang isang doktor na frontliner na halos mamatay. Nang makaligtas siya, sinabi niya sa interview na dalawang bagay ang naging dahilang ng kanyang paggaling – ang kanyang pagiging atleta o tapat na runner, at ang Rosaryo na hindi niya binitiwan sa loob ng ospital.

 

Isang kaibigan ko ang nagbahagi na bago magkasakit ang bunso niya ng kanser, hindi nagdadasal ang pamilya niya. Ni walang altar sa bahay. Dahil sa kanser ng bunso natuto silang magrosaryo bilang mag-anak. Ngayong magaling na ang anak, ang sentro ng pamilya nila ay malakas na debosyon sa Mahal na Birhen.

 

Nakakarating sa atin ang awa ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus na Anak niya. Dumadaloy din ito sa atin sa pamamagitan ni Maria, Ina ng Awa. Huwag tayong matakot magdasal kay Maria, na gamitin ang Rosaryo at tumawag sa kanya. Pinili siya ni Hesus bilang Ina at ibinahagi sa atin upang maranasan natin ang pagmamahal, pangangalaga, at tulong na kaloob ng Diyos sa kanya para sa atin. Ngayon taong ito, araw-araw magdasal kay Maria, Ina ng Awa.

 

"O aking Ina, Mahal na Birheng Maria, iniaalay ko ang buong sarili sa iyong biyaya at sa iyong nag-uumapawa na awa ngayon at kaylanman, at lalo na sa oras ng aking kamatayan itinatalaga ko ang sarili ko sa iyo. Sa iyo din, handog ko ang katawan at kaluluwa, kaligayahan at pag-asa, dalamhati at paghihirap. Alay ko ang buhay  at ang dulo ng aking buhay sa iyong mga kamay upang sa pamamagitan ng iyong kabutihan, lahat ng aking kilos at gawa ay maging ayon sa banal mong kalooban at sa kalooban ng matimyas mong Anak na si Hesus. Amen."

 

 

MANIGONG BAGONG TAON NA PUNO NG PAGPAPALA AT KAGALAKAN!

Paki-share sa kaibigan… ang photo sa itaas ay mula po sa internet, Salamat po!

Kung nabibiyayaan tayo ng mga pagninilay dito, paki click po ang "follow" button sa blog site na ito upang ipakita ang encouragement at appreciation. God bless!

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS