KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK B
IPINAKIKILALA… SI SAN JOSE!
Ang unang pagbasa ay naglalaman ng mayamang payo ukol sa pagtrato ng mga anak sa mga magulang. Sinabi ni Sirach na ang Diyos ang nagtalaga ng ama para pangunahan ang anak; at nagbigay ng katungkulan sa ina para sa mga anak niya (Sir. 3).
Tiyak na si Hesus, bilang bahagi ng Banal na Mag-anak ay itinanim ito sa kanyang puso at pinagyaman ang kanyang ugnayan sa inang si Maria at sa ama-amahang si San Jose.
Maraming nang nasulat sa kaugnayan ni Hesus sa kanyang ina, ang Mahal na Birhen. Sa simbahan may nabuong mga pag-aaral sa natatanging gampanin ni Maria sa kasaysayan ng kaligtasan at sa buhay ni Hesus. Ang tawag dito ay Mariology o pag-aaral kay Maria.
Ngayong taong ito naman ay special dahil nga ang December 8, 2020 – December 8, 2021 ang taong tinaguriang Year of St. Joseph. Sa unang pagkakataon ang tuon ng pansin ay sa taong tinawag ng Panginoong Hesus na “tatay” dito sa lupa at sa lalaking tinawag naman ng Mahal na Birhen na “mahal” dito sa lupa.
Ang Banal na Mag-anak ay hindi misteryoso at kakaibang pamilya. Ito ay tunay na pamilya, ng mga tunay na tao, na ang mga kasapi ay nagmamahalan tulad ng nais ng Diyos para sa lahat ng pamilya.
Si San Jose ay hindi aksidenteng asawa at ama. Tila ba nangailangan ang Diyos ng sasalo sa kalagayan ni Maria at napilit niya si Jose na akuin ito. Hindi ganun! Inibig ni San Jose si Maria kaya nga napili niya itong pakasalan bago pa magpakita ang Arkanghel Gabriel.
Nahulog ang loob ni Maria kay Jose dahil tapat itong magmahal. Matiyaga nitong inihanda ang kanilang kasal. Nag-ipon siya para sa kanilang kinabukasan. Nangarap siyang mapalibutan ng mga malulusog at mababait na anak. Nais niyang ipamana sa kanyang mga anak na lalaki ang kanyang talento sa paghahanap-buhay.
Siyempre, nagbago nga lahat ito nang mabunyag ang ibang plano ng Diyos. Magiging asawa at ama nga si Jose pero hindi sa akala niyang paraan kundi sa paraan ng Diyos. At ito ang nakahahanga kay San Jose. Masunurin siya, hindi sa tibok ng sariling puso, kundi sa tibok ng puso ng Diyos. Binago niya ang mga plano niya upang umakma sa kalooban ng Diyos na kanyang sinasamba at minamahal.
Masaya kaya si Jose? Opo, siya na siguro ang pinakamasayang tao sa mundo, pangalawa sa Mahal na Birheng Maria. Nasa piling siya ng isang maybahay na dalisay at mahabagin at mabuti. Siya ang nagpalaki at nagbigay ng pangalan, tahanan at kakayahan bilang karpintero sa Anak ng Diyos, sa kanilang munting tahanan sa Nazaret. Namatay siya na yakap-yakap nila kaya hanggang dulo ng buhay siya ang naging pinakamasaya sa lahat.
Ang ama ay hindi aksidente o biglaan lamang. Ang mga ama ay pinipili ng Diyos na manguna sa pamilya. Ang mga ama ay pinagpapala ng Diyos kapag tumugon sa kanyang kalooban. Napasasaya ng mga ama ang mga pamilya kung pinararangalan nila higit sa lahat ang DIyos at kapag itinatangi nila at inaalagaang magiliw ang kanilang asawa at mga anak sa buong buhay nila.
Ipagdasal nating lahat ng mga ama ay maging tulad ni San Jose. Pasalamatan natin ang Panginoon para sa mga ama na naging mabuti sa atin. Ipagdasal naman natin ang mga ama na nagkulang sa kanilang misyon dahil sa kahinaan. Walang pamilya kung walang ama o tumatayong ama. Sa pistang ito ng Banal na Mag-anak, nawa’y pagpalain at gabayan sila upang matulad kay San Jose.
Comments