PASKO NG KAPANGANAKAN NG PANGINOONG HESUKRISTO
PAANO KAYA AKO MAGPAPASKO?
Hindi karaniwang naitatanong “Paano kaya ako magpapasko?” Mas madalas ay “saan”o “sinong kasama” natin sa Pasko. Ang “paano” ay madali na kasi halos lagi pare-pareho naman – family reunion, maraming handaan, simba kasama ng pamilya, dalaw sa ninong at ninang at mga kamag-anak, atbp.
Ngayong taon ay kakaiba. Ang buong taon ay natatangi sa nakaraang 100 Pasko nakalipas sa kasaysayan ng mundo! Naranasan natin ang taon ng pagsubok, bilang mga Pinoy at mga mamamayan ng daigdig. Walang ibang taon na ganito kadaming hirap, kamatayan, takot, galit, pagkabagot, pagkawalay, sakit, pagkahinto at pagkawala ng maraming bagay mula sa trabaho hangggang sa negosyo hanggang sa oportunidad sa buhay.
Ang pandemyang dulot ng Covid virus ay nagsimula noong Kuwaresma at tumagal hanggang ngayong Pasko. Halos nabuo na natin ang kalendaryo ng simbahan sa ilalim ng lockdown habang nanonood ng Misa sa cellphone, tv o computer. “Pinanood” natin ang Mahal na Araw. “Pinanood” natin ang Pagkabuhay. “Pinanood” natin ang mga pista at ang mga karaniwang Linggo. Eto at tila sa iba sa atin, panonoorin pa din natin ang Simbang Gabi, Pasko at New Year
Tandaan na lamang natin na mas dakila ang Diyos sa anumang pagsubok sa mundo at sa buhay natin. Umaapaw ang kanyang awa at hindi magugupo ng kalamidad man o pandemya. May dahilan para magdiwang ng Pasko, kahit kakaiba man ang sitwasyon. Paano ko ba maipagdiriwang ang kaarawan ng Panginoong Hesus ngayong taon?
Una, sa pamamagitan ng pasasalamat. Survivor ako ng isang matinding karanasan! Kaydaming nagkasakit at namatay. Hindi mabilang ang nagkadepresyon at iba ay nabaliw pa. Binigyan ako ng Panginoong Hesus ng lakas at pasensya, ng motibasyon na kumapit, maniwala at magtiwala sa kinabukasan. Higit sa lahat, narito ako at nagninilay pa din sa pinakadakilang pagmamahal sa mundo – Ipinadala ng Diyos Ama ang kanyang sariling Anak sa akin para maging tagapagligtas! Sa gitna ng mga pagbabago ngayong taon, dumarating pa din si Hesus sa aking buhay paulit-ulit. Ngayong Pasko, pinasasalamatan ko ang Panginoon, “Salamat, Hesus, dahil lagi kitang kasama.”
Ikalawa, sa pamamagitan ng habag sa kapwa. Ngayong taon, nasaksikhan ko ang luha at sindak ng mga tao sa paligid ko. May mga taong nagpasan ng matinding hirap. Natuto akong magdasal para sa kanila, makiisa sa kanila kahit man lang sa diwa. Ipinagdasal ko ang mga maysakit at namamatay, ang mga frontliners, ang mga nawalan ng tahanan o ikabubuhay, ang mga dukkha. Kung kaya ko, pinilit kong magbahagi ng anumang makatutulong. Ngayong Pasko, patuloy akong magpapakita ng habag upang makapagsaboy ng ngiti sa labi ng mga tao.
Ikatlo, sa pamamagitan ng awa. Ipinakita ni Hesus muli ang kanyang awa! At ang awa niya ay hindi lamang habag tulad ng naunang binanggit. Ang awa niya ay kumpleto, hindi lang emosyon. Ito ay pagpapatawad, pag-aalala, kabutihan, pakikiisa, pakikipagkapwa, pakikinig, yakap, at pagdamay. Tanging si Hesus lang ang makagagawa ng lahat ng ito sa mga tao. Sa kanyang biyaya, kaya kong tularan ang isa o dalawa sa kanyang awa tungo sa mga tao sa paligid ko ngayong Pasko.
Naiisipan mo rin bang magdiwang ng Pasko ngayong taon sa pamamagitan ng pasasalamat, habag at awa?
Pakinggan po ninyo ang awitin sa ibaba at pagnilayan pa ang biyaya ng “kakaibang” Pasko natin ngayon. MALIGAYANG PASKO PO sa mga tapat na tagasubaybay ng ating blog! Paki-click po ang “follow” button sa blog upang maipakita natin ang ating appreciation sa isang taon ng mga pagninilay.
Paki-share po sa kaibigan… ang photo sa itaas ay mula sa internet, Salamat po!
Comments