IKA-APAT NA LINGGO NG ADBIYENTO B


HINDI MAPAPANTAYANG PAGBIBIGAY

 


 

 

Matapos sulatin ng isang estudyante ang kanyang thesis para sa graduation, nasabi niya sa nanay niya na ito ang kanyang regalo sa Diyos sa araw ng Pasko.

 

Bigla namang nagbigay ng mahusay na payo ang ina: Natutuwa akong nais mong mag-alay sa Panginoon. Pero anak, tandaan mong walang makahihigit sa Diyos sa pagbibigay. Lahat ng meron ka, lahat ng nagawa mo, lahat ng ikaw ngayon at sa darating na panahon… regalo muna ng Panginoon lahat iyan sa iyo!

 

Kahit maganda ang ating pakay, minsan makakalimutin tayo sa payong ito. Maganda talaga kung lilingon at magpapasalamat sa Diyos at nanaisin na mag-alay sa kanya ng ating nakamit o narating sa buhay. Subalit higit dito, nais ng Panginoon na maunawaan muna natin na wala tayong maiaalay sa kanya na hindi regalong tinanggap din natin sa kanyang mga kamay.

 

Halos makalimutan ito ni David sa unang pagbasa (2 Sam 7). Panatag na bilang hari, akala niya ay malaking pabor kung maipagpapagawa niya ng templo ng Panginoon. Sa pamamagitan ng propeta Natan, sinariwa ng Diyos kay David kung paano lahat ng narating niya ay bigay ng Diyos.

 

Mula pastulan, ginawa siyang hari. Dating walang nakakakilala, ginawa siyang bantog. Sa lahat niyang mga digmaan, pinanalo siya at pinagtagumpay. Mula sa kanyang lahi, pauusbungin pa ng Diyos ang Mesiyas na darating. Hind kayang bayaran ito ni David; hindi niya kayang pantayan. Kaya lamang niyang magpasalamat at magpakumbaba sa pagtanggap ng mga biyaya.

 

Dito lumulutang ang pagkakaiba ng Mahal na Birheng Maria sa kasaysayan ng kaligtasan. Walang bahid ng pagyayabang, walang tanda ng pagmamalaki, walang pagnanais na tumbasan. Ang tanging nais niya ay tanggapin ang malayang kilos ng DIyos at maging mapagpasalamat. Matapos marinig ang pagpapahayag ng anghel (Lk 1), ipinahayag niya ang kagustuhang gawin lamang ang kalooban ng Diyos. Niyakap niyang lubos ang plano ng Panginoon para sa kanyang buhay.

 

Tinuruan tayong ang pinakamainam na pagpapasalamat ay tumbasan agad ang kabutihang natanggap natin, ang gumawa ng isang bagay na magpapakita na may utang na loob tayo. Subalit sa mata pala ng Diyos, ibang iba. Hindi kasi niya kailangan ang anuman mula sa atin dahil siya ang may-ari ng lahat. Ang pagbibigay niya ay walang hangganan. Ang awa niya ay walang pagsasawa..

 

Nais ng Diyos ang pasasalamat na nakikita sa pakumbabang pagtanggap ng biyaya at sa matapat na pagtupad sa kanyang kalooban. Ngayong papalapit ang Pasko, ano kaya ang regalo mong maibibigay sa Panginoon? Hindi anumang narating, o anumang gawa ng iyong kamay, o anumang yamang taglay mo. Ang nais ni Hesus ay katapatan at pagpapakumbaba muna sa harapan niya.

 

Hilingin natin sa Mahal na Birheng Maria at kay San Jose na ipakita sa ating kung paano higit na masasalubong si Hesus sa kanyang pagsilang. Turuan nawa nila tayong maging mapagpasalamat sa pinakadakilang biyaya ng Diyos sa katauhan ng kanyang Anak na si Hesus!

 

 

Paki share sa mga kaibigan… ang ginamit na photo ay mula sa internet, kaya Salamat po!

 

 

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS