IKA-ANIM NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
KAKAIBANG PANANAW
May kakaiba sa ketongin sa ating Mabuting Balita ngayon. Lumapit siya kay Hesus na may kahilingan. Iyong iba, pag nagdala ng kahilingan sa Panginoon ay ganito: Gusto ko pong makakita. Gusto ko pong makalakad. Pagalingin mo po ako. May ganito ring hangarin ang ketongin at nais niyang tugunin siya ng Panginoon. Pero may munting kaibahan sa kanyang paglalahad ng hangarin sa Panginoon. Napansin mo rin ba?
Sabi ng ketongin: “Kung nanaisin mo, gagaling ako.” Kung nanaisin mo – ibig sabihin, “Kung okey lang sa iyo, Panginoon,” o “Kung ito ang gusto mong maganap, Panginoon.” Malinaw naman na gusto ng ketongin na gumaling. Pero habang nasa harap ni Hesus, ipinailalim niya sa kagustuhan ng Panginoon ang sarili niyang pagnanasa. “Gusto kong gumaling at handa akong gumaling… pero, kung ito ang plano, pasya at ang kusang-loob ng Diyos.” Alam ng ketongin ang gusto niya, pero mas mahalaga sa kanya kung ano man ang iniisip ng Diyos na pinakamabuti.
Naiisip ko tuloy, paano kaya kung sumagot si Hesus nang kakaiba; kung sinabi ng Panginoon: “Pasensya na ha? Hindi ko gusto yan e…. hindi pa napapanahon… hindi makabubuti sa iyo na ikaw ay gumaling.” Susunod pa kaya ang ketongin sa Panginoon? Maniniwala pa kaya siya? Pero sa tingin ko, walang magbabago sa pananaw ng ketonging ito sa kaugnayan niya sa Panginoong Hesus. Patuloy siyang maniniwala at susunod. Bakit? Dahil inilagay na niya ang kanyang buong tiwala sa kamay ng Diyos na nakaaalam kung ano ang mas mabuti sa buhay niya.
Ganito din ba ang pananaw natin? Nagtitiwala din ba tayong lubos na kaya nating ipailalim sa kalooban ng Diyos ang huling pasya sa ating mga panalangin, kahilingan, at ninanais ng puso? Talaga bang naniniwala tayo na ang plano ng Diyos ang siyang pinakamabuti at ang pasya niya ang pinakamarunong sa lahat?
paki... share sa kaibigan... God bless!
Comments