IKA-LIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
PINAGAGAAN NIYA ANG PASANIN…
Matinding pagsubok ang gumising sa umaga para sa maraming tao. Paano ba kung ang buhay mo ay puno ng dusa at pagod at wala ka nang inaasahan pang magandang mangyayari pa? Sa unang pagbasa, inilalarawan ni Job (Job 7) ang di-mapakaling pagtulog ng isang taong may dinadala, at ang kawalang pag-asa niya pagdating ng umaga. Sa Mabuting Balita (Mk 1) mababasang nakaratay sa karamdaman ang biyenan ni Pedro at ang daming mga taong maysakit at pinahihirapan ng masasamang espiritu sa bayan na iyon na dinalaw ni Hesus.
Ang Panginoong Hesus ang tugon sa mga tanong ni Job. Ang pagmamahal at habag niya ang nagbibigay ng kahulugan maging sa ating pang araw-araw na mga pasanin. Kapag alam nating malapit siya nagkakaroon ng pag-asa na higit pa sa anumang problemang kinakaharap. Nang pagalingin ni Hesus ang biyenan ni Pedro, ibinahagi din niya ang kanyang kapangyarihan sa mga taong naghihintay sa labas ng pintuan ng bahay ni Pedro; binigyan din sila ng kagalingan at kapayapaan.
Isang bata ang natuklasang may malubhang karamdaman at wala nang makita ang mga doktor na paraan upang bumuti ang kanyang kalagayan. Sinabihan ang mga magulang na maghanda sa anumang magaganap, at mas mainam kung masabihan na din ang bata ng kanyang tunay na situwasyon. Umiiyak at nanginginig ang mga magulang habang sinasabi sa anak ang payo ng mga doktor. Sa laking gulat nila, payapang sinabi ng bata na huwag silang umiyak; sa halip, magpatuloy magdasal dahil may pag-asa lagi sa kamay ng Diyos.
Palagay ko ang batang ito, na nakaranas ng tadtad na pasakit bawat araw, ay nakatagpo na ni Hesus sa panalangin at sa pananampalataya. Ang buhay ay nakakapagod at nakakabagot, kahit libot ng materyal na ginhawa, kung hindi natin nakikilala ang Panginoong Hesus. Subalit ang buhay ay kapana-panabik at maligaya, kahit sa gitna ng mga hamon, kung alam nating kasama si Hesus at nakikinig siya, tumutulong siya, at nakikilakbay siya sa ating pakikipagbuno sa buhay.
paki-share sa kaibigan... ang image sa itaas ay mula sa internet, thanks po!
Comments