UNANG LINGGO NG KUWARESMA B
ANG ESPIRITU SANTO, KAAGAPAY NATIN
Kung kailangan ng patunay na si Hesus ay tunay na naging tulad natin — na bumaba siya mula sa langit para yakapin ang pagkatao — ito na yun! Ang Panginoong Hesus ay sinubok ng maraming tukso sa disyerto, matapos ang kanyang binyag. May mas higit pa bang karanasan ng tao maliban dito?
Sa buhay natin ay pabalik-balik lang ang tukso; madalas pa nga kapag katatapos lang natin magsimba o magdasal o minsan habang nagbabasa pa tayo ng Bible. Naghihintay lagi ang tukso na hilahin tayo papalayo sa anumang bakas ng kabanalan o kabutihan na nais nating marating.
Subalit may malaking pagkakaiba sa karanasan ng Panginoong Hesus at ng sa atin — hindi siya nahulog sa kasalanan. Libot ng tukso, pero hindi nabali ang pasya niyang sundin lamang ang Ama, hindi ang mga boses na nag-aanyayang unahin ang ginhawa, pasarap, pagkamakasarili. Ano kaya ang sikreto ng Panginoong Hesus at napaglalabanan niya ang tukso? Sa Mabuting Balita (Mk 1) sinasabi: Dinala ng Espiritu si Hesus sa ilang… Hindi pala siya nag-iisa doon; may kasama siya. Ang Kasama na ito ay ang Espiritu Santo. Apatnapung araw ng tukso ay walang nagawa upang pabagsakin siya dahil punung-puno siya ng Espiritu Santo. Nakakapit si Hesus sa Espirtung nananahan sa kanyang puso.
Kung mismong ang Panginoong Hesus ay kinailangan ang Espiritu Santo sa mga sandaling natukso siya, hindi kaya lalo nating kailangan din ang Banal na Presensyang ito? sa pasimula ng kuwaresma, alalahanin natin ang mga panahong napaligiran tayo ng tukso at ang mga panahong bumigay tayo sa walang saysay na pangako ng panandaliang ligayang bunga ng kasalanan. Panindigan natin na laging magdasal sa Espiritu Santo, na makipag-ugnayan sa Diyos na nasa ating puso dahil tayo ay mga anak ng Ama. Kung dumarating ang mga tukso, at bago pa nga ito dumating, gawin nating kaugalian na magdasal: Halina, Espiritu Santo! Halina at gawin mo akong matatag para sa Diyos!
paki-share sa kaibigan... image sa itaas mula sa internet, thanks po!
paano mag-fasting nang tama ngayong Kuwaresma: panoorin po ito -
Comments