IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA B
HANDANG MAMATAY, HANDANG MABUHAY
Ano ang ginagawa ni Hesus sa bundok? Simple: naghahanda para sa kamatayan. Sa pagbabagong-anyo, dalawang tao mula sa nakaraan ang lumitaw kasama ng Panginoon: si Moises at si Elias. Siyempre si Moises ang kinatawan ng Batas ng Israel; ang tagapagbigay ng utos mula Sinai. Si Elias naman ang kinatawan ng mga propetang isinugo ng Diyos. Ang Batas ay tumutukoy sa Mesiyas bilang kabuuan nito. Ang mga propeta din ay nakaturo sa Mesiyas bilang kaganapan ng lahat ng mga mensahe ng Diyos.
Nakikipag-usap si Moises at si Elias kay Hesus. Tinatalakay nila kung paano magaganap ang batas at ang mga pahayag ng mga propeta. At magaganap lamang ito sa pamamagitan ng Krus. Kailangan ni Hesus na dumanas ng sakit at paghihirap upang magampanan ang kanyang misyon. Pero hindi dito nagtatapos. Pinag-uusapan din nila ang Pagkabuhay. Pagkatapos ng krus, darating ang pagkabuhay. Matapos ang paghihirap, nariyan ang luwalhati! Ang Pagbabagong-anyo ni Hesus, ang himalang ito, ang tanda ng kapangyarihan ng Pagkabuhay.
Bakit nasa bundok din ang mga alagad? Isinama sila ng Panginoong Hesus doon sa pareho ding dahilan. Habang nasaksihan nila ang himala, sila din ay inihanda sa kamatayan. Hindi sila ang Mesiyas, kundi tagasunod lang. Kung ang Panginoon ay maghihirap, ang mga alagad din ay dadanas ng parehong karanasan. Walang makatatakas sa krus.
Subalit ang mga alagad ay inihahanda din sa luwalhati, sa Pagkabuhay. Kung maghihirap sila, matatandaan nilang hindi ito ang dulo. Kapag naging tapat sila sa pagdurusa kasama si Hesus, sila rin ay titikim ng Pagkabuhay. Ang luwalhating pangako ni Hesus sa kanila ay isang layunin na aabutin nila, isang gantimpala na dapat nilang mapagwagian.
Sa buhay natin di ba ang dami ding mga pagsubok at problema? Araw-araw nakaharap tayo sa kamatayan sa iba’t-ibang anyo: kanser, diabetes, problema sa asawa, sa anak, sa siyota, sa trabaho o sa paaralan o pabigat na dala ng ibang tao. Kailangan natin maunawaan bakit ito nangyayari at bakit kailangang harapin at hindi ito takbuhan, sa tulong ng Panginoon at sa bisa ng kanyang awa.
Habang dumadaan tayo sa mga hirap ng buhay, humugot tayo ng inspirasyon sa Panginoon at sa mga alagad na tapat na nagdusa. Tandaan din nating hindi kamatayan o paghihirap ang dulo ng ating kasaysayan kundi ang Pagkabuhay. Darating din ito, kung kakapit tayo sa Panginoon!
paki-share sa kaibigan... ang image sa itaas, salamat sa internet!
Comments