ANG BANAL NA MAG-ANAK


PAGGALANG AT PAGIGING BUKAS




Ibang iba na ang mga pamilya ngayon.  Maraming pamilyang hiwalay sa isat isa.  Maraming bata ang papalit-palit ng dalaw sa bahay ng kanilang amat ina. At meron ding iniwanan na lang sa mga lolo at lola at mga kamag anak.  May mga pamilyang hindi dumadaan sa kasal.  Dumarami ang nagnanais makatakas sa masaklap na sitwasyon ng kanilang pamilya.

Dati ay matatag ang mga pamilya, banal ang mga pamilya, malakas ang pundasyon ng mga pamilya.  Pero ngayon ang dami nang pagbabago na nakaka- apekto sa mga mag asawa at lalo na sa mga anak. Sa aking karanasan sa paaralan, ang pangit na kilos ng mga bata ay gawa ng kanilang hindi mailabas sa sama ng loob sa kanilang mga pamilya.

Bilang mga Kristiyano, tayo rin ay naglalakbay sa mahirap na daan ng pamilya sa ating paghahangad ng magandang bukas para sa ating mga minamahal.  Alam natin na walang pamilyang lampas sa mapagmahal na titig at yakap ng Ama. Kitang kita ito sa Ebanghelyo kung saan ang mismong Anak ng Diyos ay bahagi ngayon ng isang pamilya kahit na mahirap, nagsisikap at naliligalig. Wala silang kayamanan, pero puno sila ng pananampalataya at pagtatalaga ng sarili sa isat isa.  Kaya meron tayong Banal na Mag-anak sa ating harapan.

Walang perpektong pamilya na walang ni anumang problema.  Sa araw na ito, ipagdasal natin anuman ang sitwasyong kinasasadlakan n gating mga pamilya at hangarin na hanggat maaari, sikapin nating padaluyin ang dalawang sangkap na mahalaga sa bawat pamilya.

Ang una ay paggalang. Sa aklat ni Sirach (kab. 3) ipinapa alala na dapat igalang ang mga magulang na siyang may katungkulan sa tahanan. Magalang pa ba ang mga kabataan at mga anak ngayon sa kabila ng kanilang paghahanap ng buhay na malaya at matatag?  At ang mga magulang, ginagawa ba nila ang lahat upang mamuhay na kagalang-galang para maging inspirasyon talaga sila ng mga anak?

Ang ikalawa ay pagiging bukas sa Diyos.  Lahat ng pagbasa ay nagpapa-alala na hindi maaaring kalimutan ang Diyos pag binanggit ang pamilya. Sa Kanya galing ang buhay at ugnayan ng mga tao. Siya ang Ama nating lahat. Tingnan natin kung gaano kabukas si Maria at Jose sa tinig ng Diyos at sa presensya ng Sanggol na si Hesus sa kanilang piling.  Maging gabay nawa natin sila sa pagsalubong sa biyaya ng Diyos upang pumasok sa ating mga mag-anak.

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS