IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO A
WALANG HADLANG SA
PAGDIRIWANG
Dahil sa bagyong Yolanda, marami
ang nagtatanong: May Pasko pa ba? Dapat pa ba tayong magdiwang?
Isang magandang tugon ang nagmula
sa isang pari, si Fr. Benny Tuazon ng Maynila: alisin ninyo ang Christmas
party, pero, parang awa ninyo na, magdiwang pa rin tayo. Ibig sabihin, kahit na
simple at payak lamang ang ating Pasko ngayong taon, walang dapat pumigil sa
mabuting balita na malapit na ang Pasko!
Siguro ito ang magandang okasyon
para makita natin ang pagkakaiba ng kaligayahan (happiness) at kagalakan (joy).
Ang kaligayahan ay dulot ng mga materyal na bagay o ng mga taong kinagigiliwan
natin sa buhay. Di ba kapag nawala ang mga ito, maraming tao ang nalulungkot,
nanghihina at nanlulupaypay?
Pero ang kagalakan ay iba. Ito ay bunga, hindi ng bagay o tao,
kundi ng kaugnayan natin sa Panginoon.
Kaya nga, ito ay kaloob o regalo ng Diyos. Hindi ito lumilipas o nawawala dahil ang pinagmumulan nito
ay ang Panginoon.
Isa pa, ang kagalakan ay
nananatili kahit may dinaranas na pagsubok o paghihirap. Kasi may kapayapaan sa puso at
kasiguraduhan na laging nariyan ang Panginoon sa iyong puso.
Sa ebanghelyo, si Juan ay nasa
kulungan na. Subalit sabi ng Panginoong Jesus, mapalad at pinagpala pa rin si
Juan. Sigurado akong kahit doon,
puno siya ng galak dahil nakilala niya at pinaglingkuran ang Panginoon Jesus!
Ang unang napansin ng mga
dayuhang dumamay sa atin pagkatapos ng bagyo ay kakaiba. Sa gitna ng paghihirap, kamatayan at
kawalan, ang mga Pilipino ay marunong ngumiti at magpasalamat, tumawa at mag-ganyak
sa isa’t-isa, tumanggap at magbigay.
Nagulat sila sa kagalakan ng mga Pilipino!
Inaakala mo bang walang saysay
ang Pasko dahil may problema ka ngayon, may pinagdadaanan sa buhay? Tandaan mo,
ang Pasko ay hindi bagay o mga tao. Ang Pasko ay tungkol sa Diyos na dumadamay
sa ating katayuan. Siya ang Diyos na nakikipag-ugnay sa iyo. At kung tatanggapin mo ito, mapupuno ka
ng galak.
Panginoon, sa nalalapit na Pasko,
nawa’y maging malapit ako sa Iyo.
Punuin mo po ako ng kagalakan. Amen.
Comments