KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS; BAGONG TAON 2014
PAGNINILAYAN NATIN
ANG TAONG DUMARATING
Ang Mahal na Birheng Maria ang
ating kalakbay simula pa noong Adbiyento.
Napakaraming pangyayari ang naganap sa kanyang buhay na isa-isa nating
hinimay nitong mga simbang gabi sa ebanghelyo. At sa ganitong mga nakakahilong
pangyayari, hindi kaya nahirapan ang Mahal na Birhen na malusutan bawat
pagsubok?
Sa ebanghelyo ngayon matatagpuan
natin ang lihim ng tagumpay ng Mahal na Birhen. Sabi dito: itinago ni Maria ang
mga bagay na ito sa kanyang puso at pinagnilayan niya ang mga ito (Lk. 2:19).
Minsang nagtataka ako kung ano
ang kaugnayan ng Mahal na Birhen sa Bagong Taon. Pero ngayon malinaw na
tinatawag pala tayong hindi lamang salubungin ang mga pangyayaring dumating at
darating pa sa ating buhay. Mas kailangan nating unawain at maintindihan ang
kahulugan at mensahe ng Diyos para sa atin. Mahalagang magkaroon ng pananaw sa
buhay na pagiging “mapagnilay”.
Marami pang magaganap sa ating
buhay ngayong taong ito. Ang iba
ay inaasahan, ang iba ay bulaga naman.
Ang iba ay nagkataon lang pero marami din ang itinakda naman ng
Panginoon. mapipilitan tayong
huminto at magtanong, humanap ng sagot, at unawain ang paliwanag na matatagpuan
natin.
Hindi psychology o counseling lang
ang makakatulong para maging malinaw ang lahat para sa atin. Kailangan nating ng sagot na magdudulot
ng kapayapaan at pang-matagalan. Kailangan natin ang presensya ng Diyos sa
lahat ng magaganap.
Dito pumapasok ang gampanin ng
Birheng Maria. Siya ang unang
nag-isip, nagnilay at nagdasal sa
kanyang puso. Siya ang
unang tumitig sa mukha ng Anak ng Diyos na si Hesus. Ang kanyang kapayapaan,
kabanalan at katatagan ay galing sa ugnayan niya sa kanyang Anak na galing sa
kalangitan kasama ng Diyos Ama.
Kaya ba natin ang ganitong
pananaw sa buhay o attitude? Magagawa
ba nating pagnilayan at pagdasalan lahat ng handog ng Diyos sa taong
nagsisimula na? Humingi tayo ng tulong
sa Mahal na Birheng Maria sa pasimula ng Bagong Taon.
Comments