IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO A
ANG TINIG NG PROPETA
Tuwing malapit na ang Pasko,
sumusulpot ang katauhan ni Juan Bautista, tulad sa ebanghelyo natin ngayon.
Bakit nga ba?
Ang mga Israelita kasi ay isang
bayang sanay sa mga propeta. Marami silang propeta at ipinagmamalaki nila
sila. Kahit madalas hindi sila
nakikinig sa propeta, alam nilang pag may propeta, nariyan din ang Panginoon.
Subalit matagal nang walang propeta sa panahong ito. Halos 400 taon nang walang
mensahe ang Diyos.
Kaya nang biglang sumulpot si
Juan, laking tuwa at pananabik ng maraming nais marinig muli ang tinig ng Diyos
sa pamamagitan ng propeta. At si Juan ay may angking katangian na kakaiba at
natatangi bilang propeta. Una, siya’y propetang nagsasakdal ng mga tao sa
kanilang mga kasalanan. Hindi
pinalalampas ni Juan ang anumang masamang nakikita niya sa mga tao. Matapang
siyang nagtutuwid sa kanila.
Ikalawa, siya’y propetang
naghahayag ng daan palayo sa kasalanan.
Hindi negatibo ang pananaw ni Juan. Hindi basta lamang bawalan o
kagalitan ang mga tao. Ang pakay niya ay sabihin sa kanilang may daan palabas
sa patibong ng kasamaan at kasalanan. May daan sa pagba-bagong buhay.
Ikatlo, siya’y propetang
nag-aakay kay Hesus. Alam ni Juan ang kanyang misyon, at hindi siya ang sentro
nito. Si Hesus ang sentro ng
kanyang mga salita at gawa. Lahat ay gagawin niya upang ilapit ang mga tao sa
Panginoon na higit na “makapangyarihan” kaysa kanya. At “hindi (siya)
karapat-dapat kahit tagadala ng kanyang panyapak.” (Mt.3: 11).
Bilang mga Kristiyano, tayo din
ay dapat maging propetang tulad ni Juan.
Di ba, tinatawag din tayong mag-sakdal sa masasamang gawaing nakikita
natin sa ating kapwa, lalo na sa mga taong mahal natin? Di ba hinahamon din tayong mag-hayag ng
daan patungo sa kalayaan at liwanag? Di ba inaasahan din tayong mag-akay sa
ating kapwa tungo sa Panginoong Hesus?
Bago mag-Pasko, kaya mo bang
maging isang Juan Bautista?
Comments