IKA-APAT NA LINGGO SA ADBIYENTO A
KATAHIMIKAN AT
PAGSUNOD
Sa simula ng adbiyento, isang
malakas na boses ang gumambala sa atin, ang tinig ni Juan Bautista. Ngayong malapit nang matapos ang
panahong ito, at malapit na ring dumating ang Pasko, ang sigaw ng propeta ay
nagbibigay-daan sa katahimikan ng isa pang gabay natin sa paghahanda, si Jose
ng Nazareth.
Tahimik si Jose hindi dahil wala
siyang kailangang sabihin. Sa
katunayan, ang daming tanong sa kanyang puso at isipan. Ang daming gumugulo sa kanya tungkol sa
misteryo ng kanyang kasintahang si Maria at ang magiging anak nito. At tiyak
naipagdasal niya ang mga ito sa Diyos.
Subalit pinili pa rin ni Jose na
tumahimik, hindi sapilitan kundi bukal sa kalooban. Ito ay dahil nais niya talagang makinig. Nais niyang marinig kung ano ang sasabihin
ng Diyos. Sabi sa ebanghelyo,
kinausap siya ng anghel ng Panginoon sa kanyang pananahimik. At dahil tahimik siya, mas lalo niyang
naunawaan, natanggap at nasunod ang kalooban ng Diyos.
Ilang beses na ang gulo natin sa
harap ng Diyos. Ilang beses ang
ingay natin sa harap ng ating kapwa.
Tapos, nagrereklamo tayo na wala tayong naintindihan o napulot sa ating
ugnayan sa Diyos at sa kapwa, na lalong naging masidhi ang pagkalito at lalong
lumaki ang gulo.
Ang makinig ay ang hayaan ang
sarili na matuto, makilala, maunawaan, at mabigyang puwang ang iba upang maakay
nila tayo at maipakita sa atin ang daan.
Sa pakikinig, nabuksan ang puso ni San Jose at naging handa siyang
sumunod sa plano ng Diyos.
Habang tumitindi ang ingay sa
labas – sa mga palengke at mall, o sa kalsada – napapansin mo bang kailangan
mong manahimik sa harap ng Diyos upang magka-saysay ang Paskong ito? Bakit
hindi ka magsimba, o magdasal sa adoration chapel, o magnilay sa Bibliya?
Napapansin mo bang may mga taong
dapat kang pakinggan upang lumalim ang pagtanggap at pagkakasundo? Bakit hindi
mo subukang makinig naman sa halip na magsalita lang sa harapan nila.
San Jose, turuan mo kaming maging
tahimik sa gitna ng misteryo ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon Hesukristo.
Comments