IKA-APAT NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
BUKAS NA LIHAM PARA
SA IYO, PANGINOONG HESUS
Panginoong Hesus, nakakalunos
naman po ang salaysay ng pagtanggi sa inyo ng mga tao sa mabuting balita
ngayon. Ang hirap isipin na matapos ang kanilang paghanga, heto na at nagsimula
na silang manghusga sa inyo. Una, hinanap nila ang inyong pinanggalingan at
natunton nilang si San Jose ang iyong ama sa Nazaret ay simple lang, karaniwan
lang, walang ipinagmamalaki. Pangalawa, hinihingi nilang pasayahin ninyo sila
sa pagpapalabas ninyo ng mga himala sa kanilang harapan.
Mahirap unawain kung bakit hindi
ninyo sila itinuwid agad at sinabing ang tunay ninyong ama ay ang Diyos Ama sa
langit at si San Jose ay ama-amahan ninyo lang sa lupa. Hindi ko maintindihan
kug bakit hindi ninyo na lang sila pinagbigyan ng isang himala. Madali lang yun
sa inyo, Panginoon. O baka naman, ipinapakita ninyo sa amin kung paano kumilos,
o mas maigi pa dun, kung paano kami dapat magnilay bago kumilos, kapag nasa
gitna ng pagtanggi o kapag nasusubok ang aming pananampalataya.
Nauulit ngayon ang kuwento ninyo,
Panginoon. Tinatanggihan ka na din sa bansa namin. Ang tagapagsalita ng
pagtangging ito ay makapangyarihang tao na ikaw din ang naglagay sa rurok ng
tagumpay. Siyempre, hindi niya kinikilala yun. Bago, at lalo na pagkatapos
maluklok, dinikdik niya ang iyong simbahan at tinawag itong plastik at bulok. Nilibak
niya ang mga pinunong relihyoso sa pamamagitan ng pagmumura, at pag-akusa ng
kung anu-anong bagay, kahit walang batayan at madalas ay katawa-tawa.
Kamakailan lamang, pinagdudahan
niya ang tunay mong kalikasan bilang
Diyos kasi daw po meron bang Diyos na namatay sa krus? Hindi nakapagtatakang
itatanggi rin niya ang mga aral mo sa Kaharian ng Diyos kung saan ang Ama ay
namamayani at ang Espiritu Santo ay kumikilos sa puso ng mga nananampalataya. Hindi
maglalaon at kasunod na niyang sasabihin na ang Bibliya ay komiks lang. Hintayin
natin sa susunod na buwan.
Kagulat-gulat ang mga pananaita
laban sa mga lider relihyoso, lalo na mga pari at obispo na pahapyaw na niyang
ipinapapatay sa mga tao bilang biktima ng poot, pagnanakaw at pagpaslang, dahil
daw po walang silbi at istupido ang mga ito. Tiyak na gusto niyang wasakin ang simbahan
dahil sinabi na niya dati na magtatayo siya ng kanyang sariling simbahan at
kaanib niya ang mga tagasunod niya dito.
E, Panginoon, paano naman ang
iyong bayan, paano nila tinatanggap ang mga ito? Ayun, nakikitawa sila sa bawat
pag-alimura sa kanilang pananampalataya, mga pinuno at mismong Diyos. Sinasabi
nila sa facebook nilang “ipinagmamalaki kong Katoliko ako” pero mas malakas
nilang isinisigaw na tagahanga sila ng taong walang galang sa kanilang
pananampalataya. Ang karamihan, Panginoon, kapwa mula sa mga tao at mga lider
man ay tahimik ngayon, walang hudyat ng pagpiglas, pagtutol, at paglaban sa
pangyayaring ito na hindi ninyo aasahan sa taong dapat sana’y maging halimbawa
ng tamang pagtrato sa kapwa tao.
Nagbibiro nga lang daw ito
madalas di po ba? Kung gayon bakit kaya hindi na lang sa showbiz siya pumasok,
baka maging kapalit ng yumaong si Dolphy? O baka naman iniisip ng marami na
hindi din dapat patulan dahil nakakatakot ang lider na sabay iginagalang at
kinasisindakan ng mga tagasunod niya. O baka naman po ang mga tao ay
nakaka-relate din naman sa kaniya sa kanilang mga sariling tanong tungkol sa
pananampalataya, mga puna tungkol sa kanilang relihyon at mga karanasan ng
paglayo mula sa pagiging masunurin at masugid na tagasunod tulad ng kanilang
mga ninuno?
Iyong ilan na matapang na
nagtatanggol ng pananampalataya, simbahan at prinsipyo nila, ano po kaya ang mas
mainam gawin nila? May ilang matapang na gumawa nito at inulan ng puna ng mga
pulitiko, mga netizen, at lalo ng mga bayarang trolls. May nagdasal daw na
mamatay na siya. O magkasakit. Palagay ko po, base sa mabuting balita ngayon,
hindi ito ang turo mong paraan. Hindi nga po kayo nagtanggol ng sarili e.
Tahimik ninyong tinanggap ang lahat at lumakad papalayo.
Tinuturuan po ba ninyo kami na
maging martir at magdusa nang tahimik at maging duwag na lang? O hinahamon
ninyo po ba kami na maglaan ng mas maraming oras sa pagninilay kesa sa pag-aalsa,
sa pag-iisip kesa sa pagkasa?
Ang pananampalatayang pamana
ninyo sa mga alagad ay kumalat sa buong daigdig at patuloy na ipinapahayag pa
sa kabila ng mga pagtutol at pagtuligsa sa mga anak mo sa Tsina, Saudi, Vietnam
at iba pa. Sa katunayan, lalong sinusubok ang mga Kristiyano, lalong nagiging
matatag sila sa paninindigan at dumadagdag ang bilang. Totoong ang mga
Kristiyanong sa aming bansa ay kailanman hindi talaga nakaranas ng pag-uusig,
na isang sangkap sa pagpapadalisay at pagpapalakas ng pagmamahal sa inyo,
Panginoon.
Nakatala sa kasaysayan na ang mga
nagnais magwasak ng iyong ala-ala ay naaalala ngayon sa kasaysayan sa pangit
nilang reputasyon bilang malupit, marahas at baliw na mga tao. Hindi po ba sabi
ninyo: ang langit at lupa ay lilipas subalit ang aking mga salita ay hindi
lilipas? Lubhang totoo ito sa karanasan ng mga dumaan sa apoy ng pagsubok.
Ang naninira sa pananampalataya
ngayon ay hindi naman interesado sa matinong tugon mula sa Bibliya, sa
Tradisyon, sa aral ng mga santo, at sa teyolohiya. Hindi po, ayaw naman niya ng
debate. Ang gusto niya ay lumayo ang mga tao sa pananampalataya. Ganito ang nakita
mula sa mga marahas na lider na nagpahina sa simbahan sa Cambodia, Cuba at
Albania. Akala ng ilan dapat ipagtanggol ang pananampalataya sa pamamagitan ng
paliwanag ng doktrina at dogma. Kahit nga mga panatiko ng ibang sekta at mga
kulto ay hindi nadadala sa mga paliwanag, maliban sa iilan. Sa pangkalahatan, ang
mga kalaban ng pananampalataya ay walang interes sa matinong sagot mula sa mga
nananalig.
Kaya nga, paano po ba kumilos sa
ganitong situwasyon, Panginoon? Sa iyong buhay, hindi ka naman naming nakitang
sumasagot sa lahat ng nagdududa at tumutugon sa lahat ng pagtutol. Basta, ayon
sa mabuting balita kay San Lukas, hinanap mo ang mga mahihirap, ang mga api,
nakalimutan, nalulumbay, itinapon, at pinagkaitan ng pagmamahal. Mas matindi
ito kesa sa anumang sermon, paliwanag, blog, interview o opisyal na pahayag.
Di ba ito po ang mas matinding
hamon, Panginoon? Hindi naman kasi umaalis sa pananampalataya ang mga tao dahil
may isang lider na nagduda sa krus, o sa Santissima Trinidad, o sa karunungan
at kabanalan ng mga santo. Libu-libo ang mga boses na gumawa na nito noon upang
mahikayat ang mga taong lumayo at umanib sa ibang relihyon o sekta o kulto. Kahit
ganun pa man, nanatiling tapat ang mga tao at iningatan pa rin ang buod ng
pananampalataya.
Nagigising ang mga tao na
magtanong at magduda kung nakikita nilang tila totoo ang pamumunang naririnig
nila. Maaaring gawa-gawa nga lang ang puna. Pero kung nagsasabog ito ng
pagkakatulad sa katotohanan, ang mga tao ay nayayanig, nalilito at nawawala na.
Madali na nilang pagdududahan kung saan napupunta ang mga donasyon nila, o kung
gaano kayaman ang mga nasa itaas, o kung talaga bang mas tutok ang mga lider
nila sa kanilang ipon sa bangko kesa sa pag-aalaga sa kanilang mga tupa. Madali
silang magdududa dahil may napapansin na rin sila o masama pa, may nararanasan
na silang nakapagpapalayo ng damdamin nila sa mga pastol ng kawan na mas abala
sa pagtanggap ng bayad, paglipad sa ibang bansa, paghuhulog sa kanilang condo
at pagpapalit-palit ng magagarang kotse.
Panginoong Hesus, naglibot ka sa
lahat ng lupalop. Ilan ba sa mga alagad mo ngayon ang naglilibot din kahit
walang inaasahang sobre? Panginoon, dumalaw ka sa mga bahay. Sino sa mga alagad
mo ngayon ang tumatagal sa kanilang destino na hindi man lamang nasisilip ang bahay
na nakapalibot sa kanila maliban kung may handaan doon? Panginoon, hinanap mo ang
mga patapon at walang-kuwenta sa lipunan. Bakit po mas madalas na ang lumalapit
sa mga taong ito ay ang mga pastor at ministro ng iba samantalang ang mga
alagad mo ay busy sa sports channel o sa gym o sa starbucks? Panginoon,
namuhunan ka sa puso ng mga kabataan. Bakit bantulot gumasta ang mga alagad mo
para sa kapakanan ng mga kabataan habang ang laging kasama nila ay ang mga
mommy, tita at manang na mayayaman?
Ay naku, Panginoon, dama ko na
nais ninyo ring matuto kaming magtanggol ng aming pananampalataya, isabuhay ito
at ibahagi pa ito. Hindi sa paraan ng mundo. Hindi sa taktika ng inapi at
huramentado. Hindi sa antas ng isip at argumento. Subalit sa paraan ng puso, ng
pagmamahal, ng simpleng pamumuhay, ng tunay na interes sa buhay ng mga taong
pinaglilingkuran. Nang hipuin ninyo ang puso ng mga tao, Panginoong Hesus,
sinugurado ninyong ninyong mamumunga ang pananampalatayang itinanim ninyo
habang sila ay nabubuhay at tiniyak na mananatii ito hanggang sa kanilang
kamatayan at sa kabila pa noon. Salamat po sa aral na ito. Sana matuto nga kami…