KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO, K
ANG HINDI
MATAPOS-TAPOS NA PAGREREGALO
Santo Nino de Atocha
Madalas banggitin na ang dahilan ng pagdiriwang ng Santo
Niño ay kultural, dahil mapagmahal tayo sa mga bata dito sa ating bansa, at
napakaraming bata sa paligid! Sinasabi ring ang dahilan ay espirituwal dahil
tinatawag tayo ng Panginoon na maging tulad ng mga bata sa ating
pananampalataya. Ngayon naman hanapin natin ang teyolohikal na dahilan (kahulugang
batay sa aral ng pananampalataya) kung bakit mahalaga sa ating mga Pilipino, sa
buong simbahan, at sa sinumang nagpapahalaga sa dangal ng tao ang debosyon sa
Santo Niño.
Bagamat tapos na ang Kapaskuhan, hindi maikakailang ang diwa
nito ay nananatili pa rin. Higit pa dito, ang mensahe ng Pasko ay umaapaw pa
rin sa mga pista hanggang sa Epifania (o tatlong Hari), at maging sa mga unang
buwan ng bagong taong dumating.
Ang lubhang malalim (o kung tawagin ay teyolohikal) na mensahe ng Santo Niño ay parang sa Pasko:
ang kahanga-hangang pagpapalitan (sa Latin, admirabile
commercium) ay naganap sa pagitan ng langit at lupa. Sa madaling sabi, ito ang
tunay na pagbibigayan ng regalo na dulot ng Pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos
na si Hesus. Iniregalo niya ang kanyang sarili bilang isang tao. Tayo naman
ngayon ay may lakas at tapang na iregalo ang sarili sa Diyos at makabahagi ng
kanyang kabutihan, kapayapaan, at pagmamahal. Naging tao ang Diyos upang ang tao
ay matulad sa Diyos.
Kahanga-hanga di ba? Malalim na katotohanan ito at madalas ang
lengguwahe ng teyolohiya ay hindi sapat upang gawing mas simple pa upang lalong
maunawaan. Buti na lang, ang imahen ng Santo Nino ay nagbibigay ng buhay na
paglalarawan at ng kongkretong halimbawa upang malasap natin ang kahanga-hangang
pagbibigayan ng regalo ng Diyos at ng kanyang mga anak.
Kapag minamasdan ang Santo Nino sa ating mga altar hindi ba at
nakikita rin natin ang ating sarili sa kanya? Munti, mahina, nangangailangan,
tila walang kabuluhan. Ang ganyang bata ang tunay na larawan ng kahinaan ng
pagkatao. Naging tulad nating ang Diyos upang ipakita ang lalim ng kanyang
pagmamahal. Subalit hindi dito naputol ang kuwento.
Kapag nagdarasal din tayo sa Santo Nino naaalala nating
kahit tayo ay maliit, hindi lamang tayo mga simpleng nilalang sa mundo. Sa katunayan,
tayo ay itinataas bilang mga anak ng Ama sa langit. Dumating si Hesus sa
pamilya ng mga tao, upang ang mga tao naman ay makapasok sa puso ng Diyos.
Sa harap ng ating Santo Nino, magpasalamat tayo sa Diyos na
umako ng ating pagkatao. Huwag din nating kaligtaang ialay sa kanya ang kaibuturan
ng ating mga puso upang hipuin niya ang ating kahinaan ng mabathalang
pagbabasbas at pagpapalakas.
(kung nakakatulong sa iyo ang blog na ito, paki-share sa isa pang kaibigan. salamat po!)