KAPISTAHAN NG PAGBIBINYAG SA PANGINOON, K


ANO ANG IPINAGKAIBA NATIN?




Ano ba ang kaibahan ng isang Kristiyano? Ito ay ang kanyang binyag. Bitbit ng Kristiyano ang isang tatak, bagamat hindi nakikita, isang marka ang pagkakatulad niya sa kanyang minamahal at sinusundan. Paano ba ito nakikita sa totoong buhay? Tingnan natin ngayon ang binyag ni Hesus at mula dito, pagnilayan natin ang ating sariling katayuan bilang mga binyagan mula sa buhay at nagliligtas na bukal.



Sa binyag ni Hesus nabunyag na siya, ang Salita, ay tunay na nagkatawang-tao. Nakita ni Juan si Hesus sa pampang ng Jordan at nasabi niyang ito na ang Kordero ng Diyos. Subalit nang bumaba ang Espiritu Santo, lalong naging malinaw na ang Kordero ay ang tunay na Anak ng Diyos. Hindi sa langit, hindi sa isip, kundi sa laman, sa katawan. Panatag si Hesus sa kanyang katawan, nabuhay siyang ganap bilang tao, at hindi kailanman nagpanggap o nagkunwari.



Bilang mga binyagan dapat ganito rin tayo. Ipagdiwang natin ang ating katawan sa gitna ng maraming panganib dito – mababang pagtingin sa sex, madaliang kasiyahan at layaw ng katawan, pagkitil sa buhay ng mga walang laban, pagsasawalang bahala sa mga mahihina at mahihirap. Bakit natin kailangan ang mga sakramento? Kasi, ang mga ito ang siyang nagbubukas sa ating mga katawan upang tanggapin ang biyaya at lakas ng Panginoon. Sa pamamagitan ng mga sakramento, nalilinis tayo, napapakain tayo, napapatawad tayo, napapagaling tayo, napapalakas tayo, napapabanal tayo, at naiuugnay tayo sa mga taong mahal natin – lahat sa pamamagitan ng katawang ibinigay sa atin upang mahalin at alagaan.



Sa binyag ni Hesus, nabunyag din na bagamat panatag siya sa kanyang katawan, ang mga layunin niya ay higit pa sa sariling kaligayahan at sariling pakay lamang. Naparito siya para sa Kaharian ng Ama at upang akayin lahat na matuklasan din ang Dakilang Amang ito. Doon sa Jordan, nang bumaba ang Espiritu Santo at narinig ang tinig ng Ama, nakilala si Hesus bilang bahagi ng higit na malaki, malawak at marangal pang daigdig ng Kaharian ng Diyos.



Bilang mga binyagan tumanaw din tayo sa walang hanggang tanawin sa harapan natin at hindi lamang mapako sa maliliit at mumunting bagay na nasa tabi natin ngayon. Sa mundo ngayon, madaling ituon ang pansin sa sariling asenso, sa sariling pamilya, sa sariling kinabukasan lamang, at makalimutang tayo ay mamamayan din ng langit at hindi pang-lupa lamang. Tulad ni Hesus, ang mga puso natin ay dapat nakatutok din sa Kaharian ng Diyos at hindi lamang sa ating sariling kapanatagan lamang. Kaya dapat tayong makiisa sa kapwa, makilahok sa pamayanan, makiramay sa lahat ng taong naglalayong magmahal at maglingkod sa Panginoon.



Nawa matanto natin ang halaga at dangal ng ating pagiging binyagan. Matulad nawa tayo kay Hesus na mahalin ang ating sarili at ialay ang ating buhay sa pagkakamit ng mas malawak na mundo ng Kaharian ng Diyos.


-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS