ANG KAHULUGAN NG BELEN AYON KAY POPE FRANCIS






UNA, ang madilim na langit na tadtad ng mga bituin.
Matapat itong paglalahad ng sinasabi sa Bible. At malaki ang kahulugan nito. Tinutukoy nito ang maraming panahon sa buhay natin na dumaan tayo sa kadiliman. Subalit hindi tayo iniwan ng Diyos, na siyang laging sagot sa mga tanong natin sa kahulugan ng nagaganap sa ating buhay. Sino ako? Saan ako nagmula? Bakit ako ipinanganak sa panahong ito? Bakit ako nagmamahal? Bakit ako naghihirap? Bakit kailangang mamatay? Upang sagutin ang mga tanong na ito, kaya isinilang ang Diyos na nagkatawang-tao. Ang pagiging malapit niya sa ating kadiliman ang nagbibigay liwanag at nagbibigay pag-asa sa mga nasa anino ng pagdurusa (Lk 1:79)




IKALAWA, ang background nitong mga luma o gumuhong mga gusali. Ito ay mga simbolo ng gumuhong sangkatauhan, ng lahat ng mga bagay na nabubulok, nawawasak at nagbibigay siphayo. Si Hesus ang bago sa gitna ng tumatandang mundo; naparito siya upang maghilom at magbuo ng mundo at ng ating buhay na ginagawa niyang muling bago at maningning.




IKATLO, ang mga bundok, batis, tupa at pastol. Paalala ito ng sinabi ng mga propeta na buong daigdig ang magsasaya sa pagdating ng Mesiyas. Ang bituin at mga anghel ang hudyat sa atin na tinatawag din tayong pumunta sa kuweba at sambahin ang Panginoon (Lk 2: 15). 

Ang mga pastol ang mga unang nakakita ng pinakamahalagang bagay, daig pa ang maraming mayayaman na busy sa kung anu-ano – nakita nila ang HANDOG NA KALIGTASAN. Ang mga mababang loob at mga dukha ang bumati sa tagpo ng Pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang mga pastol ang tumugon sa Diyos na dumarating sa pamamagitan ng Sanggol na si Hesus nang buong pagmamahal, pasasalamat at paghanga. Salamat kay Hesus, ang pagtatagpong ito ang nagbigay buhay sa ating relihyon at nagbigay dito ng tanging kagandahan, na nalalarawan sa ating Belen.




IKAAPAT, ang mga dukha, pulubi atbp. Sila ang nakakakilala ng kayamanan ng puso. May karapatan din sila na lumapit kay Baby Jesus; hindi sila maaaring itaboy o paalisin sa harap ng Belen na kamukha ng kanilang mga tirahan. Ang mga dukha ay ispesyal na bahagi ng misteryo ng Pasko; mga unang nakakilala sa presensya ng Diyos sa ating mundo.

Si Hesus mismo ay nabuhay sa karukhaan at naging payak, “maamo at mababang-loob ang puso” (Mt 11:29), upang ituro sa atn ang higit na mahalaga at ang dapat nating isabuhay. Hindi tayo dapat malinlang ng kayamanan at naglalahong kaligayahan. Kahit nariyan pa ang palasyo ni Herodes, ito ay sarado at bingi sa mabuting balita ng kagalakan. Sa pagiging payak ng sabsaban, sinumulan ng Diyos ang pagbabago na nagbibigay ng pag-asa at dangal sa mga mahihirap at itinataboy ng lipunan- sinimulan niya ang rebolusyon – ng pag-ibig, ng awa. Sa sabsaban tinatawag tayo ni Hesus na magbahagi sa mga dukha bilang landas tungo sa makatao at maka-pamilyang ugnayan ng lahat, kasama ang mga mahihirap nating kapatid.




IKALIMA, minsan din dinadagdagan natin ang belen ng mga manggagawa, panadero, musiko, mga nag-iigib ng tubig, mga batang naglalaro: hindi ba ito ang tanda ng pangkaraniwang kabanalan, ng galak sa mga ordinaryong bagay sa buhay na nagiging higit sa pangkaraniwang kung kasama natin si Hesus.



IKA-ANIM, si Maria at Jose. Si Maria ang salamin ng isang nagbukas ng puso nang kumatok ang Diyos sa kanyang malinis na kalooban. Tumugon siya at sumunod sa mensahe ng anghel na maging Ina ng Diyos (Lk 1:38). Turo niya sa atin na ipagkatiwala ang sarili sa kalooban ng Panginoon. Dahil sa pagtugon, sa kanyang “Opo” nanatiling birhen buong buhay. Nakikita din natin sa kanya ang isang walang karamutan na nag-anyaya at nagbahagi ng kanyang anak sa lahat. Ang puso ni Jose ay tulad din ng puso, ng pananaw, at tugon ni Maria sa Diyos.

IKAPITO, ang Sanggol, ang Niño, ang Bambino Hesus na siyang buhay ng belen. Nagpakita ang Diyos bilang sanggol upang kargahin natin sa ating mga bisig. Sa kabila ng kahinaan at karupukan, nakatago naman ang kapangyarihan na lumikha at magpabago ng lahat. Tila imposible pero totoo: kay Hesus, ang Diyos ay isang bata, at ganito niya nais ibunyag ang kanyang dakilang pagmamahal: sa pag-ngiti at pagyakap sa ating lahat.

 
Nalantad ang buhay (1Jn 1:2). Ito ang buod ng misteryo ng Pagkakatawang-tao ng Diyos. Ipinakikita ng Beleb ang ganitong katangi-tangi at walang kapantay na pangyayari sa kasaysayan, sa magiging ugpungan ng kasaysayan; kaya lahat ng pagtantya ng kasaysayan at magsisimula bago o pagkatapos ng pagsilang ni Kristo.

IKAWALO, ang tatlong pantas o tatlong hari na may dalang handog na tumutukoy sa pagkatao ni Hesus; ginto (pagkahari), kamanyang (pagka-Diyos) at mira (paghihirap at kamatayan sa krus at pagkabuhay din!).

Sinasabi ng mga pantas na kalimitan malayo ang nilalakbay ng mga tao upang makarating kay Hesus. Subalit dakilang kagalakan naman ang bunga ng pagdating nila sa Betlehem (Mt 2:1-12). At sa pagkatagpo sa sanggol, nabatid nilang ang Diyos ang siyang gumagabay sa kasaysayan, ang nagpapabagsak sa mga makapangyarihan at nagtataas sa mga mabababang loob. Pag-uwi nila, ibabahagi nila ang natuklasan at ipapahayag ang unang binhi ng Mabuting Balita sa mga bansa.

IKASIYAM, sa harap ng belen, naaalala din natin ang ating pagkabata, ang mga yumao nating mga kapamilya at kamag-anak na nagpasa ng pananampalataya sa atin, ang ating pananagutan naman na isalin din ito sa ating mga anak at apo. Kahit simple ang belen natin, nagbabago man o hindi taun-taon. 

Ang mahalaga, ito ay nagsasalita pa rin, may mensahe pa rin, nagsasaad pa rin ng pagmamahal ng Diyos, ng Diyos na nagkatawang-tao dahil nais maging napakalapit sa atin, sa anumang sitwasyon natin.


--> -->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS