IKA-APAT NA LINGGO SA ADBIYENTO A



BIGYANG PUWANG ANG MISTERYO






Huling Linggo na ng Adbiyento… narito na halos ang Pasko!



Sa mga nakalipas na linggo, ang mabuting balita ay tila walang sangkap ng Pasko.



Ang unang 3 Linggo ay panay tungkol sa propeta at sa propesiya; tila nagsasabing ang paghihintay sa Diyos ay napakaseryosong bagay.



Ngayon, tama na ang propeta! Kilalanin natin ang isang ordinary, karaniwan, di kapansin-pansing tao.



Eto na si San Jose, na taga Nasaret, magiging kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria.



Ang mga propeta ay natatangi; may tanging pagtawag, tanging kaloob,tanging misyon.



Si Jose ay isang kabataang lalaki (mas gusto kong isipin na bata pa siya, kasi naman malakas at matipuno siyang karpintero) na may pangarap tulad ng ibang kabataan diyan.



Nangarap siyang magka-asawa… magka-anak… magka-pamilya… maging tatay! Ito ang kukumpleto sa kanyang buhay.



Pero simula pa lang, palpak na; nabalitaan niyang buntis na si Maria at hindi siya ng ama. Nasaktan siya; nag-isip ng lusot; pero gusto niyang pangalagaan ang pangalan niya… at ni Maria. Gagawin niya ang lahat ng palihim at tahimik.



Subalit sa panaginip, naging malinaw sa kanya ang lahat. Tinatawag pala siya ng Diyos na alagaan at palakihin ang Anak ng Diyos na darating sa lupa, ang Mesiyas na hinihintay ng Israel.



Nangarap siyang muli, o mas tama siguro, patuloy siyang nangarap ng pangarap ng Diyos.



Kaya naging karapat-dapat siya sa mata ng Diyos.



May naganap na trahedya sa buhay ni Jose pero hindi siya nakinig lamang sa kanyang sarili.



Nakinig din siya sa Diyos. Nagbigay siya ng puwang sa buhay niya para sa misteryo!



Hindi niya naunawaan lahat, sa simula. Matagal bago niya natuklasang may biyaya pa lang nakalaan sa buhay niya.



Sa buhay natin, ganyan din tayo e. Daming kasiphayuan, pagkakamali, lubak, pagbagsak, at iba pang mga trahedya sa personal, pamilya at trabaho.



Minsan, ang unang reaksyon natin ay umiwas, tumakbo, magtago, lumayo, tapusin na lahat.



Mas madali kasi kung sabihin mo na lang “Ayoko na. Suko na!”



Pero ngayong Adbiyento, inaanyayahan tayo ng Panginoon na tularan si Jose.



Huwag lang makinig sa puso mong nagsasabing: Wala nang pag-asa! Talo na! Uwian na!



Makinig din sa Diyos at sa misteryong inaalay niya upang yakapin natin sa gitna ng dilim.



Magbigay ng puwang sa misteryo.



Siguro hindi mo maunawaan bakit

… lagi kang bumabagsak

… sa dinami dami ng tao ikaw pa ang naghirap

… tila hindi bumabalik ang pagmamahal na ibinibigay mo

… hindi ka nila maunawaan

… walang pagbabago sa buhay mo

… ang mga pangarap mo ay napakahirap abutin



Inaanyayahan ka ng Panginoon na unahin ang pangarap niya sa buhay mo; huwag ang sa iyo.



Makinig ka sa plano niya; manalig ka sa pangako niya; kumapit ka sa pag-asa; maniwala kang may magaganap pang mabuti sa kabila ng lahat.



Ipadadala niya ang kanyang Anak sa buhay mo. Tanggapin mo siya tulad ni Jose at Maria. Paglingkuran at mahalin tulad ng ginawa nila.



Siya ang misteryo na lulutas sa mga pagsubok mo.



Tapat ang Diyos; tiwala lang… buong puso.

 --------

 2 Pamaskong requests po mula sa inyong writer: 1) laging i-share ang reflection sa isang taong mahal ninyo; 
2) maaari po bang i-click ninyo ang "follow" button sa blog na ito para mapalakas ang pagpapalaganap ng blog? Salamat po. Mahal kayo lagi ni Hesus!


Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS