DAKILANG KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK, A
PANGARAP PARA SA
PAMILYA
Ang Mabuting Balita ngayon ay
tungkol sa pamilya at tungkol sa mga pangarap na gumagabay sa pamilya.
May panaginip (pangarap) si San
Jose na nanganganib daw ang Sanggol na si Hesus.
- Kaya kinausap niya ang Mahal na Birhen at
sinabing kailangan nila umalis na
- Kaya kapwa nila dali-daling dinala ang Sanggol
na bitbit ang kakaunti nilang pag-aari
- Kaya napunta sila sa malayong lugar, nawalay sa
pamilya, naging dayuhan
Napakahirap siguro pero para sa
kabutihan ito ng Panginoong Hesus na kanilang pinangangalagaan.
Hindi nakapagtataka na nang
lumaki ang Panginoon
- Handa siyang umalis ng bahay para mag-misyon
- Naging komportable siya sa piling ng mga dayuhan
din
- Naging maawain siya sa mga walang tahanan,
walang ugat, walang luho o layaw sa buhay
Nanaginip ulit
si San Jose (buti pa siya, laging mahimbing ang tulog!)
Ibalik na daw
nila ang Batang si Hesus sa Israel.
Pero hindi sa
siyudad, sa sentro, sa Templo, sa poblacion.
Isang panaginip
ang nagdala sa kanila sa Nasaret.
- Lugar na hindi sikat
- Lugar ng mga karaniwang tao
- Lugar na sobrang ordinaryo na tila walang
kuwenta na nga (“May mabuti bang nagmumula sa Nasaret” – remember yung tanong
ni Felipe?)
Pero dito sa Nasaret
- Payapa at simple ang buhay nila
- Natuto silang magbanat ng buto at maging may
pananagutan
- Nagmahalan sila bilang pamilya at minahal nila
at pinaglingkuran din ang mga kapitbahay
Kung may isang
lugar na paborito ni Hesus, ito ang Nasaret
Kaya nga tawag
natin sa kanya “Hesus na taga-Nasaret” – hindi taga Herusalem, o anumang lugar
na sikat o bantog
Kita ninyo, si
Jose (at Maria din) ay nangarap, nanaginip para sa pamilya nila.
Napakaganda ng
pangarap nila pero hindi ito napakadali, napaka-kumportable, napaka-ayos.
Pero nang huli,
nagbunga ito ng mabuti sa buhay at paglilingkod ng Panginoong Hesus; pati tayo
nga nabibiyayaan pa ng mga pangarap na ito sa ating pananampalataya.
May mga
pangarap din tayo para sa ating pamilya.
Pero ngayon ang
mga magulang ay nangangarap na:
…huwag
maranasan ng mga anak ang hirap na naranasan nila
…na makamtan ng
mga anak lahat ng kailangan nila… at lahat ng gusto nila (kahit hindi
kailangan)
…na mapalibutan
ang mga ito ng lahat ng pera, pahinga, damit, libot, gadget, para lagi silang
abala at nalilibang
…na matuto ang mga
ito sa sarili nila at hindi kailanman madisiplina, mapagalitan, maituwid sa
bahay, sa paaralan, sa simbahan o saanman (kung hindi itu-Tulfo na yan!)
Ang resulta
nito, bumabaligtad sa mukha ng mga magulang.
Ang mga
kabataan ngayon:
…nagsu-suicide
sa napakaliit na problema (hindi binati ng syota, hindi naibili ng sapatos,
walang load – kahit mga elementary students tumatalon sa bubong ng school para
mag suicide)
…depressed daw
pag sira ang cell phone o walang wifi
…sobrang awa sa
sarili pag hindi nakadalo sa concert, sa gimikan, sa bakasyon kasama barkada
…laging iniisip
lang ay sarili… never ang iba
…laging sanay
lang tumanggap… pero ayaw magbigay… hindi rin sanay mag thank-you
…akala ang pagmamahal
ay yung makuha ang lahat ng gusto; hindi yung makuha kung ano ang mabuti o tama
para sa kanila
May mga
pangarap na matayog at mahirap; nagbubunga ito ng mga anak na matatag at may
pananagutan sa buhay.
May mga
pangarap na mataas pero walang hirap; ang bunga nito ay mga anak na duwag at
lampa.
Ano kaya ang pangarap
mo para sa iyong pamilya?
----
2 Pamaskong requests po mula sa inyong writer: 1) laging i-share ang reflection sa isang taong mahal ninyo;
2) maaari po bang i-click ninyo ang "follow" button sa blog na ito para mapalakas ang pagpapalaganap ng blog? Salamat po. Mahal kayo lagi ni Hesus!
----
2 Pamaskong requests po mula sa inyong writer: 1) laging i-share ang reflection sa isang taong mahal ninyo;
2) maaari po bang i-click ninyo ang "follow" button sa blog na ito para mapalakas ang pagpapalaganap ng blog? Salamat po. Mahal kayo lagi ni Hesus!
Comments