IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO A
ANG PROPETA AT ANG SANGGANO
(IMAGE, FROM THE INTERNET)
Ang mundo ngayon ay pinalalakad
ng mga barumbado.
Mataas ang boses nila para isipin
iba na malakas sila.
Bastos at nakasasakit ang pananalita
nila upang katakutan sila ng iba.
Ginagamit nila ang kanilang
posisyon, sa gobyerno man o sa media, para ipahiya at maliitin ang kapwa.
Gusto nilang isipin ng iba na
makapangyarihan sila, na sila ang mga idolo na kailangan ng lipunan ngayon.
Ganyan ang bulok na style ng
… opisyal ng gobyerno na akala
mataas pa siya sa Diyos
… ng announcer sa radio na akala
siya ang lumalaban sa masama maliban sa kasamaan ng kanyang sarili
… ng lider ng kulto na akala siya
ang nagpatigil ng lindol (kahit hindi niya mapatigil ang “Probinsiyano”)
Walang ibang salita na bagay sa
mga ito maliban sa “sanggano” (o bully sa Ingles)
Ang sanggano ay sandaling namamayagpag
pero naglalaho sa kahihiyan sa takdang panahon.
Laging may matuwid at tunay na
taong magpapabagsak sa sangganong nagiging salot ng lipunan.
Ang propeta ay iba; ang propeta
ay hindi sanggano.
Mataas ang boses ng propeta dahil
dala nito ang kapangyarihan ng Diyos.
Nakakakunsyensya ang salita ng propeta
dahil gusto niya maituwid ang naliligaw.
May kapangyarihan ang propeta
pero hind mamahiya, kundi umakay sa liwanag.
Ganyan si Juan Bautista na
pinakamagaling sa lahat ng propeta, ayon sa Panginoong Hesus, sa mabuting
balita ngayon.
Tapat sa misyon… malaya at
maralita… dala lamang ay mensahe ng Panginoon.
Ngayong Adbiyento, tinatanong
tayo ng Panginoon, sino nga ba ang pinakikinggan natin?
Giliw na giliw ba tayong makinig
sa sanggano dahil tunog magaling kahit wala namang sinasabing totoo o mabuti?
O nakikinig ba tayo sa propeta na
nagsasabing ihanda na ang puso na maging sisidlan ng Diyos?
Nakakahiyang isipin na sa bansang
Kristiyano tulad natin, mas gusto ng mga taong makinig sa mga sanggano kaysa
mga propeta.
Pero maganda ring itanong, may
mga propeta pa ba talaga sa pamayanan ng pananampalataya?
Baka kaya nahihilig ang tao sa
sanggano ay kasi wala silang matagpuang propeta ng Diyos ngayon?
Habang naghahanap tayo ng mga
propeta sa paligid natin, isipin mo din ito…
Baka ikaw ang propetang aakay sa
mga tao tungo sa
… katotohanan
… tamang paraan ng buhay
… liwanag
… pananampalataya
na matagal na nilang inaasam.
Halos narito na ang Pasko. Idalangin
natin sa Panginoon na matagpuan natin ang mga tunay na propeta sa ating piling,
pero sa natatanging paraan, matuklasan din natin ang propetang natutulog sa
ating puso.
(paki-share sa kaibigan...)
(paki-share sa kaibigan...)