ARAW NG PASKO K



PASKO PARA SA MENTAL HEALTH

(image from the internet)




Ngayong taon nakakagulat na tatlong kakilala ko ang nagsabing nakikipagbuno sila sa mental health issue.



Sa madaling sabi, nababalot ng lungkot o baka nga lublob na sa tinatawag na depression (panimdim).



Buti na lang at kaya pa nila itong i-share. Mahirap kasi kung lalong maging malihim tungkol sa sitwasyon na kailangan ng tulong.



Nitong mga nakaraang taon, pero lalo na ngayon, kaydami kong narinig, nabasa, nakasalamuha na may mga isyu tungkol dito.



Hindi nga ito bago, pero may bagong kamulatan na nagdudulot ng bagong pang-unawa nito sa ating buhay.



Ngayong Pasko, palagay ko ang daming taong nabubuhay pa rin sa palagiang pangamba, takot, hiya, lungkot, at kawalang pag-asa. At ang lapit nila sa puso ng Diyos!



Para kasing espiritwal ang kanilang sitwasyon – yun bang hindi nakikita, hindi pansin mula sa labas. Wala sa balat, sa katawan, sa anyo.



Pero nginangatngat ang loob – ang isip, ang gunita, ang puso, ang kaluluwa ng tao.



Ang mga may mental health isyu

… pakiramdam nag-iisa na sila

… balot ng takot

… hirap magtiwala

… dama na iniwan at pinagtaksilan sila ng kapwa

… walang madamang pag-ibig at suportang kailangan nila



Sila ang mga “taong malaon nang nasa kadiliman; ang mga nasa lupaing balot ng dilim na sinasabi ni Isaias sa Misa ng hatinggabi ng Pasko.



Kung ganito ka ngayon, tandaan mo kapatid, hindi ka nakalimutan ng Diyos!



Tumitibok ang puso ng Diyos para sa mga nagdurusa – ng sakit, pati, hiya, problema at lahat na. Kaya nga ninais niyang dumating sa daigdig sa pamamagitan ng kanyang bugtong na Anak, si Hesus, ang ating Tagapagligtas!



Ngayong Pasko, sinasabi din sa iyo ng anghel: Huwag kang matakot. May dala akong mabuting balita ng dakilang kagalakan!



Narito na ang Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon ay naparito para sa iyo!





Mahalaga ang pananampalataya para sa mga nakikipagbuno sa mental health isyu. Mas hilig kasi nilang magkulong sa sarili at huwag lumabas; manatili sa dilim ng alinlangan.



Ang pananalig ay nag-aanyaya sa atin na unti-unting kumawala sa ating kuweba at iunat ang kamay sa iba… sa naghihintay na kamay ng Panginoong Hesukristo.



Kaya, huwag kang matakot; hawakan mo siya; kausapin mo siya; maniwala ka sa kanya; magtiwala ka sa kanya.



Narito siya upang iligtas ka! May pag-asa ka pa at laging magkakaroon nito!



At kung ikaw naman ay mapalad na walang kalungkutan o depresyon, maging kasangkapan ka naman ni Hesus ng pag-ibig para sa isang taong naghihirap.



Baka naman puwede mong alalahanin ang isang taong kailangan ang isang pagbati, ngiti, kamay tawag, dalaw, o mabuting salita? Tulad ni Maria at Jose na nag-alay ng Sanggol na si Hesus sa mundo, naisin mo sanang magbahagi ng pagpapala na natanggap mo sa araw ng Pasko.



Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan! Maligayang Pasko po!
 ------

2 Pamaskong requests po mula sa inyong writer: 1) laging i-share ang reflection sa isang taong mahal ninyo; 
2) maaari po bang i-click ninyo ang "follow" button sa blog na ito para mapalakas ang pagpapalaganap ng blog? Salamat po. Mahal kayo lagi ni Hesus!



Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS