EPIFANIA/ TATLONG HARI A



PAGBIBIGAY DAHIL SA PAGMAMAHAL






Naisip ko lang kung meron bang sukatan kung magkano ang nagagasta natin pag Pasko.



At  meron ngang survey tungkol dito! Sa FB natuklasan na ang karaniwang Pinoy ay gumagasta ng P 16,000 sa pamimili ng regalo at ibang bagay para sa Pasko.



Mas malaki din gumasta ang mga kabataan kumpara sa mga may edad na.



Kaya pala kay daming resibo sa kay igsing oras, na dapat bayaran naman sa kayhabang panahon.



Tingin ka sa paligid ng bahay mo. Anong mga bagong gamit ang pumasok dyan ngayong Pasko?

Maaaring maliliit lang naman, pero kung susumahin, malaking pera din ang nagastos dyan.



Ang mga regalo, maging sa sarili o sa kapwa, ay laging mabuti. Mahalaga kasing magpadama ng pagkilala sa kapwa at mahalagang madama din naman na minahal at pinahalagahan ka ng iba.



Pero ang Pasko ay hindi tungkol sa regalo muna. Kundi sa kalidad ng regalong naibigay.



At ang kalidad ay hindi base sa ganda, presyo, kakaiba at pambihirang katangian ng regalo.



Batay ito sa pagmamahal na kalakip ng regalo.



Muli nating inaalala ang mga Pantas, o Tatlong Hari. Ginawa natin kasi silang modelo ng pagbibigay ng regalo kapang Pasko.



Tandaan lamang na hindi sila nagbigay lang ng regalo sa Batang Hesus lamang.

-               Hindi sila nag mall para makahabol sa “sale.”

-               Hindi sila nag-online order sa Lazada.

-               Hindi rin sila nag deliver ng package sa Nasaret.



Dumating sila, mula sa malayo, dahil hinahanap nila ang itinitibok ng kanilang puso. Nakita nila ang tala at sinundan ito upang marating ang Siyang kinasasabikan nilang makilala sa buong buhay nila.



“Nakita namin ang tala sa silangan at naparito kami upang siya ay sambahin.”



Ang pagsambang ito ang higit na mahalaga, dahil bunsod ito ng puso.



Ang mga regalong dala nila ay sagisag lamang ng pagmamahal nila sa Bagong Silang na Mesiyas, ang Haring handa nilang sambahin at paglingkuran.



Isang propesor ang nagbahagi ng Christmas message sa party nila. Nabagbag ang damdamin ng marami nang sabihin niya: maaari kang magbigay na walang pagmamahal pero hindi ka maaaring magmahal na hindi nagbibigay.”



Tama siya, nagbibigay tayo at nagreregalo dahil dapat gawin o napilitan o dapat sumunod sa ginagawa ng iba o para huwag maging out of place. Iyan ang mga regalong nakakaaliw sa simula pero sa kinalaunan ay nasa cabinet na lang, kund hindi man sa basurahan.



Subalit, kung magmamahal ka tulad ng pagmamahal ng Ama na nagsugo kay Hesus na Bugtong niyang Anak, ang pagmamahal na ito ay regalong lalago at dadaloy nang dahan-dahan pero tiyak at maaasahan.



Ito ang regalong hindi tumitigil sa pagbibigay, regalong laging sariwa, regalong nagdadala ng pagbabago sa buhay ng nagbibigay at tumatanggap.



Tapos na ang panahon ng pag-gasta. Nabuksan na ang mga kahon ng regalo. Panahon naman ngayon na magtanong: Paano ko ba naibahagi ang pagmamahal ni Kristo sa kapwa ko nitong Pasko? Paano ko niyakap ang kabutihan at presensya ng mga tao sa paligid ko?



Tapos na ang Pasko… panahon na upang padaluyin ang pag-ibig…




PAKI SHARE PO SA KAIBIGAN...
SALAMAT SA PHOTO MULA SA INTERNET.


-->

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS