IKA-APAT NA LINGGO, A/ PAGHAHAIN SA TEMPLO KAY HESUS
NASAAN NA NGA BA ANG TEMPLO
NIYA?
Itong Linggong ito ay kakaiba. Dapat
nasa ika-4 na Linggo tayo ng Karaniwang Panahon, matapos ang Pasko, pero sa
halip na pagnilayan ang mga pagbasa sa karaniwang panahon, eto at
pinagdarasalan natin ang mga pagbasa ng isang natatanging Pista na naman.
Pista ngayong ng Paghahain sa
Sanggol na Hesus sa Templo – si San Jose at ang Mahal na Birhen ay nag-alay ng
Banal na Sanggol sa Diyos ayon sa itinakda ng batas para sa mga panganay na
lalaki.
-
Pamasko ang tema kahit tapos na ang Pasko
-
Tila hindi tayo maka-move on sa diwa ng Pasko at
epekto nito sa ating buhay.
Pagtuunan nga po natin ng pansin
ulit ang unang pagbasa mula kay Propeta Malakias 3. Ito ang huling aklat ng
Lumang Tipan sa mga Bible ng mga Protestante at isa sa huling mga aklat ng
Lumang Tipan para sa ating mga Katoliko (dahil meron pa tayong 1 at 2 Macabeo).
Si Malakias ay propetang nangaral
tungkol sa Templo ng Panginoon.
-
Di ba lagi nating naririnig itong Templo
-
Alam nating simbolo ito ng presensya ng Diyos sa
gitna ng kanyang bayang Israel.
-
Ang Templo, para sa mga Hudyo, ang luklukan ng
Diyos na Hari.
Mapalad ang mga Israelita dahil
nabiyayaan silang may Templo sa gitna nila.
- nagniningning
sa luwalhati ng Diyos
- puno ng
kapangyarihan ng Panginoon
- bukal ng
lakas at katatagan ng bawat isa
Sa kabila ng lahat, ang binalewala
ng mga Israelita ang kahulugan ng Templo.
-
Hindi nila tunay na minahal ang Diyos
-
Naghanap pa sila ng ibang mga diyos na
pagtitiwalaan.
-
Naging mababaw ang pananampalataya nila sa Diyos
ng Templo
-
Ang templo ay naging isa lamang piping saksi sa
nauupos na pananalig ng mga tao
Sa Ezekiel 11: 23, nakakalungkot ang
tagpong binabanggit doon.
-
Ang “luwalhati ng Panginoon,” na laging
namamayani sa Templo, ay umangat at lumipad mula sa siyudad
-
Lumipat ito sa katabing bundok, palayo sa Templo
at sa mga tao… at bumalik sa langit
-
Mula noon, wala nang nabanggit na kaningningan,
kaliwanagan at luwalhati ng Panginoon na lumitaw pa sa Israel.
Hanggang dumating nga, isang araw
ang Panginoong Hesus sa eksena. Sa kanyang pagsilang, nakita ng mga pastol ang “luwalhati”
ng Diyos sa kalangitan, at ginabayan ng maningning na tala naman ang mga
Pantas. Nagbalik na ang Diyos sa piling ng kanyang bayan – sa pamamagitan ng
kanyang Bugtong na Anak, na si Hesukritong Panginoon natin.
Ang pista ngayon, ang Paghahain
sa Sanggol sa Templo, ay tahimik, mapagkumbaba, at hindi napapansing pagbabalik
ng Diyos sa gitna ng mga taong minamahal niya.
Pero dumating siyang isang
sanggol kaya walang pumansin.
Dumating siyang mahirap kaya
hindi iginalang.
Naging maliit at mahina tulad ng
mga taong kanyang paglilingkuran, mamahalin at yayakapin.
Sa kanyang pangangaral,
babanggitin lagi ni Hesus ang Templo.
Pero hind na ang gusali… kundi ang
kanyang Katawan bilang bagong Templo, na kahit masira pa ay babangon muli sa
ikatlong araw.
At dahil tayo ngayon ang kanyang
Katawan, tayo na rin ang buhay na Templo sa mundong ito.
At pinalawak pa ito ni San Pablo
nang sabihin niyang ang katawan ng bawat tao ngayon ang Templo ng Espiritu
Santo!
Kay daming nais magpunta sa Jerusalem
para makita ang dating lugar ng Templo.
Pero ang nakikita lang naman doon
ay mga pira-pirasong guho ng dating templo (at sa itaas pa nga nito ay nandun ang
isang moske ng mga Muslim).
Ang Espiritu ng Diyos ay wala na
sa pisikal na gusali.
Ang Espiritu niya ay nasa
simbahang sanay magmahal, maglingkod, magpatawad, at mangyakap ng nalulumbay.
Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa
bawat pusong naghahangad sumunod sa kalooban ng Diyos sa munting mga bagay sa
bawat araw.
At tandaan mo, ikaw ang bagong
Templo ngayon!
Hayaan mong magningning sa iyo ang
luwalhati ng Diyos – sa iyong ngiti, kabutihan, pagtulong, pasensya, tahimik na
pagiging tagasunod ni Kristo saan ka man naroroon bawat araw!
Comments