IKATLONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A



TUNGKOL SA MGA LUGAR

 

 photo from internet


Nalito ka na ba sa mga lugar sa Bible tulad ng:



Zebulun at Neftali?... 2 ito sa 12 tribo ng Israel (na hinati noon sa 12 anak ni Jacob/ Israel). Ang dalawang tribong ito ay nasa hilaga ng bansa.



Bakit sinasabing “inilagay sa kahihiyan” ng Diyos ang mga lugar na ito? Kasi po e nang ipatapon ang mga Hudyo sa malayong lugar ng kanilang mga mananakop na Assyrian, unang ipinatapon ang mga tribo ng Zebulun at Neftali. Terible siguro ang paghihirap ng mga taong kasama dito.



Pagkatapos ang kanilang lupain ay tinirahan ng mga pagano.



At nang bumalik mula sa pagkakatapon at nanirahan muli sa lugar, ang lupain ay iba na ang pangalan – Galilea – isang lupaing may halong Hudyo at dayuhan, mga mananampalataya at pagano, mga mabubuti at masasamang impluwensya…



Ang isang mahigpit na Hudyo ay hindi magiging kampante sa Galilea dahil ito ay nabahiran na ng ibang lahi, hindi na puro tulad ng dati.



Kaya sabi nga ni Isaias, ang Galilea (dating Zebulun at Neftali) ay lugar ng kadiliman at kalungkutan.



Subalit ang mga salita ng propeta Isaias ay hindi natatapos sa negatibong pangitain.



 “Ipinahiya” ang lupain subalit “dadakilain” ito sa tamang panahon!



Eto na ang pangako ng muling pagbubuo ng Diyos… ang pangako ng biyaya… ang pagpapahayag ng masayang katapusan.



Darating ang Mesiyas upang lupigin ang dilim ng kawalang pananampalataya at ipangalat ang lungkot ng dalamhati ng mga anak ng Diyos.



Dadalhin ng Mesiyas ang liwanag niya… ang kagalakan niya… ang kalayaan niya para sa mga taong nabulid sa pagka-alipin at pagkatalo.



Ang Mabuting Balita (Mt 4: 12-23) ang siyang kaganapan ng pangakong ito ng propeta.



Sa tamang panahon, inilunsad ni Hesus ang kanyang misyon sa Galilea. Kung saan ayaw ng mga Pariseo na tumungo dito dahil hindi malinis sa kanilang paningin, doon naman si Hesus ay nagpasyang magpunta dahil ito na ang itinakdang araw.



Kung walang pakialam ang mga Pariseo sa mga tao sa Galilea, ang Panginoong Hesus naman ay nawili doon, sa piling ng mga maysakit, mga mangmang, at mga makasalanan na tunay niyang minamahal.



Si Hesus ang tanging kailangan ng Galilea sa pagbangon nitong muli – ngayon natagpuan na nila ang Liwanag, Kagalakan, Kalayaan!



Siguro nagkaroon ka na rin ng karanasan tulad ng mga taga-Galilea:



Naramdaman mo bang hindi ka kasali

-               Sa party nila noong Pasko

-               Sa pagpaplano para sa darating na programa

-               Sa konsultasyon na ginawa sa inyong opisina o trabaho

-               Sa pagpapasya sa mga bagay tungkol sa pamilya o grupo ng mga kaibigan?

Nakita mo ba ang sarili mo na iniiwasan

-               Dahil sa ibang opinyon mo sa kanila

-               Dahil sa pagsasabi mo ng totoo

-               Dahil sa pagtutuwid mo sa kapwa mo

-               Dahil nakagawa ka ng mali o kasalanan?

Magsaya ka, dahil kung ayaw nila sa iyo… si Hesus ang siyang dadalaw sa iyong Galilea….

-               Bukas puso

-               Bukas bisig

-               Puno ng pagpapatawad at awa

-               Tapat sa  hangarin na pakinggan ka, hipuin ka, linisin sa iyong mga kasalanan.

Dahil tunay na mahal ka niya at nais ibalik sa Kaharian ng Ama.



Maglaan ng ilang sandali upang salubungin at papasukin si Hesus sa Galilea ng iyong buhay ngayon…





(paki-share po sa isang kaibigan…)


-->

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS