HOLY SATURDAY: Virus ng Kamatayan
Ito ang araw ng Holy Week na hindi natin masyadong
pinapansin. Kasi madalas, pag Sabado de Gloria na, takbuhan na sa beach, sa pool,
sa mall ang mga tao (na hindi puwede ngayon bwahaha!). Para bang tapos na ang Holy
Week sa Biyernes Santo at wala nang halaga ang kasunod na araw. Subalit ito ang
umaga na nakahimlay ang katawan ng Panginoon sa libingan. Namatay at inilibing.
Ngayon naman, nakahimlay sa hukay ang bangkay ni Hesus. Talagang niyakap niya ang
kabuuan ng pagkatao natin hanggang sa libingan. Lahat tayo dadaan sa kamatayan
balang araw. Sino ba ang mga tao sa buhay mo na yumao nitong mga nakaraang
araw, linggo, o buwan kaya? Handa ka ba kapag
ikaw naman ang haharap sa iyong kamatayan?
Pero tandaan nating ang kamatayan ay nalupig na! Ang kasalanan
ay natalo na! Ang kabutihan ng Diyos ang tumuntong sa teritoryo ng kamatayan
upang sakupin ito at ipailalim sa kanyang kapangyarihan… upang hindi na ito
ituring na higit pa sa buhay na walang hanggan na regalo sa atin ng Panginoon. For
a change, mag-alay ng ilang sandali upang isipin ang kamatayan… at pagkatapos,
magpasalamat sa Diyos na hindi natakot lumusong dito ito para sa atin… at
lupigin ito para iligtas tayo.
Panginoon, nakakalungkot kapag iniisip ko ang kamatayan ng
mga mahal ko sa buhay… at nakakatakot kung iniisip ko naman ang aking sariling
kamatayan. Salamat po at tinanggal mo ang virus ng kamatayan sa puso naming mga
alagad mo. Hindi ito ang dulo, kundi pintuan. Hindi ito ang huli, kundi bagong
panimula. Pagkatapos ng kamatayan ng katawan, naghihintay ka sa amin sa kaluwalhatian.
Amen.
#ourparishpriest 2020