MAUNDY THURSDAY: Virus ng Pagmamalinis
Ano kaya ang pakiramdam kapag hinugasan ka ng paa ng isang
tao? May mga taong naluluha kapag ginawa ito sa kanila sa Misa ng Huwebes
Santo. May nangangatog. May nahihiya. Siguro ganito din ang pakiramdam ni Pedro
noon. Kaya tuloy, tumanggi siyang mahugasan ng paa. Kailangan tuloy ipaliwanag
ng Panginoong Hesus na lahat sila ay dapat mahugasan ng paa. Lahat sila ay
dapat linisin bago makibahagi sa Huling Hapunan. Bagamat hindi natin laging
iniisip, pero minsan akala natin okey na tayo. Puwede na tayo.
Katanggap-tanggap na tayo sa harap ng Diyos. Pero hindi pala. Kailangan na
maranasan natin ang paglilinis ni Hesus, ang kanyang paglilingkod, ang kanyang
pagpapakumbaba, ang kanyang pag-aalay ng buhay para sa atin. Nakakahiya man,
dapat nating hayaan ang Diyos na mahalin tayo. Nakakakilabot man, dapat nating
maranasan ang kanyang haplos. Nakakaiyak man, dapat nating maranasan na walang
malinis sa harap ng Diyos kung hindi dadaan sa paglilinis ni Hesus… ng kanyang
dugo sa Krus.
Panginoon, puksain mo po sa akin ang virus ng pagmamalinis.
Ipakita mo po sa akin ang pangangailangan ko sa iyong pagliligtas upang tunay
akong magbago, maging mas mabuti, at tunay na malinis sa mata mo.
Sa gabing ng Huwebes
Santo ginagawa ang pagtatanod sa Banal na Sakramento hanggang alas-dose ng
hatinggabi. Dito ginagawa ang Visita Iglesia ng marami. Dahil hindi mo ito
magagawa sa simbahan ngayon, maglaan ng mahahalagang sandali sa harap ng altar
sa iyong bahay. Tahimik na magbasa ng Bible, magnilay, at makiiisa sa
sakripisyo ng Panginoon.
#ourparishpriest 2020