LINGGO NG PALASPAS A



SA HARAP NG NAKAPAKO





Ano kaya ang nadarama ng isang inang magdamag nagbabantay sa maysakit na anak na walang tigil sa kaiiyak?



O ng isang lalaking nakahawak sa kamay ng asawang malapit nang pumanaw?



Ano kaya ang pait na naranasan ni Vanessa Bryant nang iuwi ang bangkay ng asawang si Kobe Bryant at anak na si Giana na kapwa namatay sa aksidente?



Hindi ko kayo gustong paiyakin ngayon. Kaya huwag mag-panic, kahit may covid virus ngayon.



Pero di ba may panahon sa buhay natin na parang ang hirap sabihin ang mga salitang “positivity,” “good vibes,” at “chill,” dahil nasa harap tayo ng isang taong naghihirap?



Ngayon, iba kung ikaw mismo ang nasasaktan. Iba din kapag saksi ka sa paghihirap ng iba – lalo at kilala mo at minamahal mo ito.



Napakasakit noon. Kung puwede lang kunin ang karamdaman niiya. Kung puwede lang patigilin ang luha niya. Kung puwede lang mag-imbento ng gamot sa kanyang hinagpis, kalungkutan, o pagkasiphayo.



Kung puwede lang tayo na lang, huwag na sila. Kung kaya lang nating akuin lahat…



Ganyan tayo, kasi marami sa atin ang may mabuting puso na nakakadama, nakakaunawa.



Pero sa mga ganitong pagkakataon, nahaharap tayo sa pasakit ng iba na hindi naman nila maipasa sa atin. Krus nila ito, at gaano man natin gustuhin, sila lang ang magpapasan nito.





Ngayong simula ng mga Mahal na Araw, bilang mga Kristiyano, nakaharap tayo sa Krus.



Hindi ito maiiwasan. Sa katahimikan, sa mga rituwal, sa mga tradisyon, sa mga panalangin, nakikita natin ang Krus ni Hesus.



Kita natin ang kanyang mga pasa, mga dugo, mga bugbog. Kita natin siyang nakapako sa harap natin. Unti-unting namamatay siya sa ating harapan…



At naaawa tayo. Nalulungkot tayo. Nagi-guilty tayo. Nagsisisi tayo.



Pero may kaibahan ang pagdurusa na ito.



Kung sa ibang pagkakataon, nasasaksihan natin ang ating kapwang may pasang krus, ngayon naman, si Hesus ay may pasang krus din – ang “ating” krus.



Hindi siya nagdurusa para sa kanyang sarili. Hindi niya kailangan ito. Naghihirap siya “para sa atin.”



Sa mga mahal natin sa buhay, ninanais nating akuin ang kanilang pasakit, pero si Hesus ay nagpakasakit para huwag na tayong magdusa pa. Inako niya lahat. Pinasan niya lahat.



Kung seryoso kang maglalaan ng oras sa tapat na panalangin, bible reading, pagninilay, pananahimik ngayong mahal na araw, tiyak masusumpungan mo ang isang malalim na katotohanan.





Ang Nakapako sa Krus ay naroon para sa iyo, sa akin, sa ating lahat… upang:



Hindi na nating madamang nag-iisa kapag natatakot…

Hindi na natin maranasang iniwan tayo kapag tayo’y nalulumbay…

Mamuhay tayong malaya kapag pakiramdam natin tayo ay nabibigatan…

Madama natin inangat sa atin ang “guilt” ng ating kasalanan…

Madama nating nakawala tayo sa pagkakatali sa dating ugali, bisyo, o kasamaan…

Malasap natin ang buhay na may tunay na kapayapaan at kagalakan…



Pasalamatan natin ang Panginoong Hesus sa mga Mahal na Araw. Harapin natin Siyang unang nagmahal sa atin at “at nagbigay sa atin ng kanyang buhay” (cf Gal 2:20).




(paki-share po...)


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS