PALM SUNDAY: Virus ng Pagsasawalang-bahala
Nagulat siguro ang Panginoon sa biglang pagbabago ng mga
tao. Kanina lamang ang lahat ay sumisigaw, nagpapalakpakan, nagpupuri sa kanyang
pagdating. Tapos biglang tumahimik ang lahat nang siya ay dakpin ng kanyang mga
kaaway. Ang mga sumisigaw ng papuri naging mga piping saksi sa kalupitang
dinanas ng Panginoon. Biglang balikwas ang mga tao, ika nga. Naduwag ka din
bang magpakita ng pagdamay sa mga tao sa buhay mo na dumadaan sa paghihirap at
suliranin? Masarap kasi makisama kapag panay sarap at ginhawa ang pagsasaluhan.
Pero ang hirap makidamay kung pighati, karamdaman, kahirapan at problema ang pag-uusapan.
Ngayong Domingo de Ramos, Linggo ng Palaspas, sino kaya ang mga taong nais ng
Panginoon na damayan mo sa kanilang paghihirap? Baka may mga taong nakalimutan
kang kumustahin man lamang? Bagamat nasa
loob ka lang ng bahay, ano kaya ang magagawa mo upang palakasin ang loob ng
isang kaibigan o kamag-anak o kasama sa trabaho na dumadaan sa pagsubok?
Panginoon, iligtas mo po ako sa virus ng
pagsasawalang-bahala sa kapakanan at pagdurusa ng iba… Gawin mo po akong
mapagmalasakit at mapagkalinga sa pamilya at kapwa.
#ourparishpriest 2020