LINGGO NG PAGKABUHAY A
BAKIT KAILANGAN NATIN
ITO?
May magandang ideya si San
Francisco de Sales kung paano ipagdiwang ang Pagkabuhay ni Hesus araw-araw! Yes,
araw-araw!
Sabi ng maginoong santong ito,
pag gising sa umaga, pasalamatan agad ang Diyos sa bagong regalo, sa regalo ng “ating”
Muling Pagkabuhay!
At may punto siya kasi ang tulog
sa gabi ay sagisag ng kamatayan. Sa katunayan, ang daming natutulog na hindi na
nagigising pa.
Ang paggising sa umaga ay patikim
talaga ng Pagkabuhay!
Ang munting pasasalamat sa
Panginoon na may bagong buhay tayo ay mahalaga ngayon. Tanda ito ng pag-asa; ng tagumpay; ng
aktibong presensya ng Diyos sa ating buhay.
Kay daming batbat ng problema na
takot nang harapin ang isang bagong araw.
May mga may karamdaman na pagod
nang gumising sa isa na namang araw ng gamutan, pananakit ng katawan, at
pananatili sa higaan.
Meron ding ilan na walang
kahulugan ang buhay kaya ang bukas ay tila hindi na nakasasabik, wala nang
pangako ng anumang ginhawa.
At paano yung mga naparalisa ng
nakaraang karanasan, kasalanan, kabiguan na tumakas nang tuluyan ang kagalakan
sa kanilang puso?
May mga tao tuloy na ang hiling
lang ay kamatayan… at nagtatangka pa nga… dahil ang buhay ay naging pabigat na
lang.
Alam ng Diyos lahat ng iyan – mga
krus, kadiliman, pakikipagtunggali araw-araw. Ito ang dahilan kung bakit si
Hesus ay nagpasan ng krus, niyakap ang krus, at namatay sa krus. Upang ipakita sa ating huwag matakot o
magapi ng madilim na puwersa ng sanlibutan.
Dahil sabi nga ni San Pedro sa
unang pagbasa, Gawa 10: “Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw
at hinayaang ipakita ang sarili, hindi sa lahat ng tao, kundi sa amin na mga
pinili ng Diyos bilang mga saksi na nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos
na siya'y muling mabuhay.
Ang Pagkabuhay ay totoo, tunay… nakita
siya… may mga saksi siya – tayo yun!
Hindi lamang tayo mga saksi sa
paghamon, problema at pagsubok ng buhay!
Saksi tayo sa kapangyarihan,
kagalingan, lakas at pag-asa ni Hesus na muling nabuhay!
Nagdiwang tayo ng Mahal na Araw
hindi upang manatili sa paanan ng krus kundi upang salubungin si Hesus sa labas
ng libingan.
At hindi pa tapos ang Pagkabuhay!
Nagaganap pa rin ito sa ating mga nagsisikap at nakikipagbuno sa buhay
araw-araw.
Ano ba mga problema mo? Sabi ng
Panginoon… mawawala din yan… isa-isa…
Ano ba sakit mo? Si Hesus ang tagahilom
ng kaluluwa at katawan… iugnay mo sa kanya.
May pasanin ka ba sa puso mo? Ang
dugo niya ang luminis sa ating mga kasalanan…
Nais mo bang magwakas ang iyong
buhay? Huwag muna! Huwag naman! May kahulugan
kung bakit narito ka pa. Huwag mong sayangin iyan.
Ngayon si Hesus ay Muling
Nabuhay! Magalak sa kanya at makibahagi sa bago niyang buhay.
Araw-araw, gumising nang may
pasasalamat. Pasalamatan at ipagdiwang ang regalo ng iyong sariling Pagkabuhay
na mula sa Panginoon.
Maligayang Pasko ng Pagkabuhay ni
Kristo!
(huwag kalimutang i-share…)