HOLY WEDNESDAY: Virus ng Pagtataksil
Nakakakilabot ang tagpong ito. Paano naatim ni Hudas na
ipagkanulo ang kanyang Panginoon? Ipinagbili niya ang walang kapantay na
pagmamahal. Tinalikuran niya ang katapatang hindi matatawaran. Binaewala niya
ang pagkakaibigang hindi maihahalintulad sa alin pa man. Nabulag si Hudas ng
maling pag-aakala na magiging masaya siya sa ilang pirasong salapi. Nakakahiya
mang isipin pero hindi ba’t tayo man ay nakapagtataksil din sa ating kapwa
ngayon?
Nagbubunyag ng sikreto ng iba, nanggagamit ng kapwa tao,
bumabaligtad sa sinumpaang kasunduan, bumabali ng sariling pangako o salita, nagiging
doble-kara, nagsisinungaling maging sa ating sarili… Lahat ng pagtataksil sa
kapwa ay pagtataksil sa Panginoon. Lahat tayo ay nagiging Hudas din kay Hesus.
Panginoon, lupigin mo po ang virus ng pagtataksil sa aking
isip, kilos, at salita. Tulungan mo po akong huwag nang makapanakit ng aking
kapwa, lalo na iyong mga taong tunay at lubos na nagtitiwala sa akin.
#ourparishpriest 2020