IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY, A



MAS SIMPLE, MAS MABUTI





Nitong nakaraang mga linggo at buwan, grabe ang pinagdaanan ng ating bansa, at ng ibang bansa. Kung tutuusin, naging malaking dagok ito sa buong mundo.



Sa gitna ng lahat, na-alarma ang mga tao. Nag-panik ang mga tao. Nasindak ang mga tao.



May pagkalito. May kumalat na mga fake news. May mga magkakasalungat na opinyon, pagsuri, at mungkahi.



Walang solusyon. Walang epektibong plano. Walang remedyo kahit saanman – maging sa laboratory ng pinakamatalinong scientist, sa pinakamagaling na ospital, o sa tanggapan ng White House man o Malacanang.



Pero kailangan ng mga tao ng isang salitang magpapakalma sa kaba. Ng salitang magtuturo ng direksyong tatahakin. Ng  mensaheng magpapasilip ng pag-asa.



Sa pinakamahirap na situwasyon, natanto nating ang pinakamahalagang salita ay hindi isang talumpati, hindi proklamasyon, hindi utos, hindi dekreto.  Ang pinakamahalagang salita ay ang Mabuting Balita.



Nang magpasya si Pope Francis na magbigay ng mensahe ng pakikiisa at pagbabasbas sa buong daigdig, ang salitang iniwan niya ay simple pero napapanahon: Mahal tayo ni Hesus! Higit kaninuman, si Hesus ang nagmamalasakit sa atin. Kasama natin ang Diyos sa sandali ng ating pagsubok!



Lahat ng tao – Katoliko, Protestante, Muslim o walang relihyon… natuwa at nagpasalamat sa salitang iyon.



Ngayong Pagkabuhay ng Panginoon, ikatlong Linggo na, narinig natin ang mga unang salitang binitiwan ni Pedro matapos ang Pagkabuhay ni Hesus (Gawa 2: 14. 22-33). Ang una niyang sermon. Ang tawag sa Greek ay kerygma. Ang tawag natin dito ay ang “unang pagpapahayag.”



At simple lang ang laman nito: Si Hesus Nazareno ay mula sa Diyos. Dumating siya taglay ang mga himala at tanda, subalit pinatay ninyo siya. Ngayon buhay siyang muli. Ipapadala niya sa inyo ang Espiritu Santo.



Naunawaan agad ito ng mga nakikinig. Naramdaman ang kahulugan. Tumimo sa puso. Alam nilang kailangan na nilang magsisi at bigyang puwang ang Diyos sa kanilang mga puso.



Ngayong Pagkabuhay, at matapos ang malagim na yugto ng covid19, makinig tayong muli’t-muli, hindi sa isang pagtuturo, pagninilay, seminar o deklarasyon, kundi sa simpleng mga salitang ito ng buhay, kamatayan at tagumpay ni Hesus na Muling Nabuhay.



Ito ang mga salitang kailangan nating marinig lagi upang maging gabay ng buhay, magpalalim ng pananampalataya, magpalayas ng takot, mag-akay pabalik sa Ama at magdala sa atin sa kaligtasan.



Muli siyang nabuhay! Mahal niya ako! Kasama ko siya palagi!


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS