IKA-17 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
SABIK NA SABIK
Ang tatlong taon na si Eo ay
nagsimula ng pumasok sa paalaran. Sa kanyang unang araw, siya ang
pinakamasiglang mag-aaral sa klase. Sa tuwing may hihiramin, tatanungin at ipapagawa
ang kanilang guro, siya ang pinakaaktibong tumutugon dito. Ngunit makalipas ang
dalawang linggo, nawala na ang kasabikan sa kanya. Mahirap na siyang gisingin
tuwing papasok sa eskwela at kadalasan siya ay nagdadahilan na upang hindi pa
bumangon o hindi na pumasok.
Ganito ang nangyayari sa
ating kasabikan. Mahirap itong panatilihin. Kapag tayo ay namumulat na sa
realidad, unti-unti na itong nawawala. Ang isang estudyante ay sabik na sabik
ng magtapos ng pag-aaral, hanggang sa mawala na ang kasabikan dito dahil sa mga
kaibigan o barkadang nakasama. Ang isang tao na bagong trabaho ay punong-puno
ng pag-asa hanggang mawala na ang kasabikan dahil sa mga nakakadismayang
katrabaho.
Ang isang negosyante ay gustong mapalaki ang kanyang bagong negosyo
hanggang matanto niya na mabagal ang pag-asenso. Ang mga bagong kasal ay
napakalambing sa isa’t isa hanggang magsimula na silang hindi magkaintindihan
at magtalo. Kahit na ang mga naglilingkod sa simbahan ay sumusuko kapag ang
“demand” ay dumadami na. Sa buhay natin, ay may suliranin tayo na tinatawag na
“pagkawala ng kasabikan”.
Inuugnay tayo ni Hesus sa
dalawang parabula ng pagkasabik- ang pagkatuklas sa nakabaon na kayamanan at
ang paghanap sa natatanging perlas. Sa mga parabulang ito, ibinenta nila ang
lahat ng mayroon sa kanila para mabili ang lupa at ang perlas. Sila ay
nahumaling sa kayaman, at sa perlas. Mas ginusto nilang mawala ang lahat sa
kanila para makuha ang pinakamahalaga sa kanila.Sila nga ay matalino, sila
namuhunan ng malaki sa kanilang bagong tuklas. Hindi nila sinayang ang
pagkakataon na minsan o isang beses lamang darating sa buhay nila at talaga
ngang nahanap nila ang kayamanan nila.
Sa buhay natin, tayo ay
binyayaan ng Diyos ng kayamanan. Kung tayo nga ay tapat, masasabi natin na ang
lahat ng nasa atin, gaya ng ating pamilya at kaibigan, ay kayamanan. Sila ay
perlas na may katumbas na malaking halaga. Marahil nga ay pinasasalamatan natin
ang Diyos sa mga kayamanang ito, pero ang buhay hindi puro kasarapan at
kasayahan lang, at nakikita natin ang mga kayamanan natin na pasanin sa ating
buhay. Muli nating isipin o pagnilayan ang pag-uugali natin ukol sa mga biyaya
ng Diyos.
Ang iyong relasyon ba sa
ibang tao ay nagiging problema mo na? Ang iyo bang asawa ay nakaka-irita na?
Nawawala ba ang iyong kagalakan dahil sa mga tao sa paligid mo? Maging ang
iyong pag-aaral, trabaho at negosyo ba ay pabigat na rin? Talaga nga bang
pinapahalagahan mo ang iyong pananampalataya?
Ngayon, tayo ay hinahamon ni
Hesus na baguhin natin ang ating pag-uugali sa buhay. Maging sabik ulit tayo sa
mga bagay na kinasabikan na natin dati. Huwag nating hayaan n a sirain ng ating
mga problema ang ating sigla. Huwag nating hayaan na mawala ang pag-asa natin
dahil sa ibang tao. Ang bawat pagsubok ay kaakibat na solusyon at ang kailangan
lang natin ay magtiwala at manampalataya sa Diyos.