DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGBABA NG ESPIRITU SANTO


ESPIRITU NG DIYOS:  BUKAL NG KALAKASAN AT KABANALAN

Ngayong kapistahan ng Pentekostes o Pagdating ng Espiritu Santo, nagiging kumpleto ng mukha ng  Diyos sa ating paningin.   Ang Diyos ay Ama, ang Diyos ay Anak, subalit may isa pang Persona sa iisang Diyos.  At ang ikatlong Persona ay may pangalan din.  Ang kanyang pangalan ay Espiritu Santo. 

May dalawang larawan ang Espiritu Santo na siyang nagsasaad kung ano ang kaugnayan niya sa ating buhay. 

Ang unang larawan, makikita sa Gawa ng mga Apostol - ang Espiritu bilang “hagunot ng malakas na hangin” na pumuno sa pinagtitipunan ng mga alagad.  Hindi basta hangin kundi hagunot – malakas – nakatatangay - makapangyarihan.  Dahil ang Espiritu Santo ay ang kapangyarihan ng Diyos.  Kung nasaan ang Espiritu, naroon din ang Diyos nagpapakita ng kanyang lakas.

At ang Espiritu Santo ang nagbibigay ng kapangyarihan sa ating buhay.  Kung sino ang nagtataglay ng Espiritu, siya rin ang may lakas ng loob at katatagan, kalakasan na maging alagad ni Kristo sa daigdig na ito.  Akala natin kayang-kaya natin at madaling gawin ang pagsunod kay Kristo.  Pero kayo na rin ang makapagpapatunay, na tuwing lumalapit tayo sa Diyos, lalong lumalapit sa atin ang mga pagsubok at tukso.  Dito tayo unti-unting nanghihina.  Marami ang bumabagsak.

Subalit dito nagsisimulang magpakilala ang Espiritu Santo.  Kung tatawag tayo sa kanya, at bubuksan natin ang ating puso sa kanya, tiyak na darating siya para bigyan tayo ng kapangyarihan.  Dahil sa Espiritu Santo, ang ating simbahan ay puno pa rin ng mga propeta, apostol at martir na hanggang ngayon, halimbawa ng lakas at kapangyarihan na mula sa Diyos . 

Ang ikalawang larawan ng Espiritu Santo ay “hininga.” Sa Ebanghelyo ni San Juan, hiningahan ni Hesus ang mga alagad “tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.”  Kung kanina, malakas na hangin, ngayon naman, banayad na hangin – hininga.  Sa simula pa, “hiningahan” ng Diyos si Adan upang magkaroon ng buhay.  Ang Espiritu ay hininga dahil siya ang pinagmumulan ng ating buhay at bagong buhay – lalo na ng buhay kabanalan.

Siya ang Espiritu na nagdadala sa atin sa pakikipag-kaibigan sa Diyos, sa pagsunod sa Diyos, sa panalangin at pagsamba sa Diyos.  Siya ang Espiritu na tahimik na nananahan sa ating puso upang magkaroon ng tunay na pagbabago doon.

Sa kapistahang ito ng Espiritu Santo, buksan natin ang ating puso sa kanyang pagdating at salubungin natin siya nang may kagalakan tulad ng mga unang alagad.  Damahin natin siya bilang hagunot ng malakas na hangin –  nagbibigay ng kapangyarihan – at bilang tahimik na hininga – nagbibigay ng kabanalan – na pumupuno sa ating buhay ng kapayapaan at kagalakan.  Amen. 

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS