PAG-AKYAT SA LANGIT NG PANGINOONG HESUKRISTO, JUNE 1
ANG NAKALUKLOK AY ANG
MAKAPANGYARIHAN
Ang ika-pitong linggo sa panahon ng Muling
Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ay ang paggunita sa Pag-akyat niya sa kalangitan, isa na namang hiwaga ng kanyang buhay
na sinisikap nating maunawaan at isabuhay. Ipinapahayag natin linggo-linggo na siya ay “umakyat sa
langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.”
Sa unang tingin, sa pagkakarinig dito, unang
sasagi sa ating isip ang
pamamaalam. Matapos ang muling
Pagkabuhay ng Panginoon, ngayon ay umaakyat siya sa alapaap, pumapasok sa
langit dahil tapos na ang misyon niya sa lupa. Goodbye! Sa kanyang pag-akyat sa
langit, namaalam na siya sa kanyang mga kasamahan…at sa ating lahat. Pero hindi
ito ang tunay na kahulugan ng Pag-akyat sa langit. Hindi kumpleto ang larawan kung mapapako lamang sa mga
salitang “umakyat sa langit.”
Ano nga ba ang kahulugan ng “Umakyat sa
Langit?” Magiging malinaw ito kung
uunawaing kaugnay ang mga sumusunod na salita “Naluluklok sa kanan ng
Ama.” Ang kahulugan ng pag-akyat
sa langit ay walang iba kundi “pumasok siya sa kinaroroonan ng Ama upang doon ay mailuklok, upang maupo
kasama ng Ama.”
Ngayon ang pag-upo ay tanda ng maraming bagay. Laging nakaupo – tamad. Naghahanap ng upuan – baka pagod. Maaari ding, nakaupo -
nagmumukmok. Pero, sa Bibliya, ang pag-upo ay mahalaga. Ito
ay tanda ng authority o kapangyarihan.
Ang nakaupo, ang nakaluklok, ang may kapangyarihan. Si Hesus ay umakyat para maupo – para tanggapin ang
kapangyarihan mula sa kanyang Ama.
Nasa kamay na ni Hesus ang lahat ng kapangyarihan.
Dahil taglay niya ang kapangyarihan, siya rin ang
may karapatang magbahagi nito sa atin.
Kaya nga, lahat tayo, may kapangyarihan din at ang tawag sa
kapangyarihang ito ay Misyon. Mula sa nakaupo sa langit, tayong lahat
ay pinagkakalooban ng misyon sa buhay.
May saysay ang ating buhay dahil sa misyon ng bawat isa sa atin
Kaya nga, ang Pag-akyat sa langit ay hindi
pamamaalam, hindi isang “goodbye.”
Ito ay ang simula ng ating misyon na ayon sa Mabuting Balita ay “humayo
kayo at gawin ninyo silang mga alagad ko.
Binyagan ninyo sila…at turuang sumunod sa mga ipinag-uutos ko.” Ang pag-akyat ni Hesus ay hindi
katapusan ng kanyang kapangyarihan, kundi isang pagpapatuloy ng kanyang misyon
sa pamamagitan ng atin namang misyon din sa buhay.
Ano ba ang bahagi ng ating misyon? Sino ba ang ating gagawing mga alagad?
Ang ating tuturuang sumunod sa Panginoon?
Kung titingin tayo sa ating paligid, nariyan ang ating misyon – mga
asawa at anak, mga apo at pamangkin, magulang at kasama sa trabaho. Ang mga taong lagi sa paligid natin, sila
ang ating misyon. Nais ni Hesus na
dalhin natin sila sa Diyos.
Mula sa langit, nakaupo si Hesus at puno ng
kapangyarihan upang gawaran tayo ng misyon natin sa buhay. Ipanalangin nating magampanan natin ang
ating misyon na dalhin ang ating kapwa sa puso ng Diyos.