IKA-23 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A


SANGKAP NG PAGKAKASUNDO


Hindi natin maiiwasan sa buhay natin na magkaroon ng di pagkakaunawaan. Hindi lahat ng tao ay mapapasaya natin at hindi naman natin kayang tanggapin ang lahat ng tao sa paligid. Laging may pagtatalo, pagtutunggalian, di pagkakaunawaan sa mga ugnayan natin, hindi lamang sa ibang tao.  Mas nakakahina ng loob kung maganap ito sa loob ng pamilya o sa ating mga kaibigan.

Ang Ebanghelyo ngayon ay tumutukoy sa mga nasirang ugnayan. Sabi ng Panginoon, ang tamang tugon dito ay pagkakasundo at paghilom. Maraming tao ang nagkikimkim ng mga sakit sa puso. Ang iba naman, nag-iisip maghiganti. Di ba natutuwa tayong mag-isip ng masama laban sa ating kaaway? Ang hindi masabi ng bibig ay nagaganap naman sa isip.

Ang payo ng  Panginoon ay pagkakasundo at paghilom, sa tulong ng dialogue o pag-uusap. Walang mawawala kung mag-uusap ang mga tao. Nagiging malinaw ang mga tanong natin sa isa’t-isa.  Pero kung ayaw nating mag-usap, nagiging malalim ang mga sugat.  Nagwawagi ang mali at nahihirapan tayong umusad.

Sa Ebanghelyo malinaw na itinuturo sa atin na kapag may gumawa ng masama, makipag-usap tayo agad. Ang dialogue ay hindi upang lalong magsisihan, o ibagsak ang iba o gamitin upang maghiganti. Sa dialogue tayo ay nagiging magkapantay.

Pag hindi nagtagumpay ang dialogue, nais ng Panginoon na mag-anyaya tayo ng ibang tao na magiging saksi sa usapan. Ang taong ito ay hindi kakampi sa isang tao lamang.  Dapat kaya niyang tumayo bilang tulay sa mga nag-aaway. Hindi natin dapat piliin iyong magpapalala ng sitwasyon.

Maaari kaya na hindi pa tayo handa sa dialogue?  Ang mga Pinoy ay mahiyain na magsalita o magpahayag ng damdamin, kaya mahilig magkimkim ng sama ng loob.  Hindi tayo prangka; ayaw natin ng gulo.  Maraming ang nagsasawalang-kibo na lamang. Marami sa atin hindi pa handa na makipag-usap sa mga kaaway o naka-alitan.

Simulan kaya natin sa dasal? Sa Ebanghelyo, nag-aanyaya ang Panginoon sa magdasal tayo para sa isa’t isa. Nagbubukas ng puso ang panalangin upang maging bukas tayo sa pagpapatawad at pagkakasundo. Hilingin natin ang tulong ni Hesus sa landas ng paghilom ng mga sugat sa ugnayan natin na nagka-lamat na at nasira. Naway magkaroon tayo ng lakas na subukan ang sangkap ng pagkakasundo – ang mabuting usapan o dialogue.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS