IKA-28 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A


ANG DIYOS NA MAHILIG SA PIGING

May iba sa atin na mahilig sa party at kung ganun ka, dapat malaman mo: ang Diyos mahilig din sa piging, sa party, sa handaan. Ang ebanghelyo ngayon ay nagsasaad ng isang reception sa kasal, isang party kung saan maraming tao ang inanyayahan. Sa Bibliya, laging may party, kainan at handaan na sagisag ng Kaharian ng Diyos.

Ang Panginoong Hesus ay mahiligin din sa ganitong pagtitipon.  Palagi siya sa handaan, kumakain at umiinom kasama ng mga taong nagsasaya. Dala niya dito ang kanyang mga kaibigan. Dito niya ipinakikita na ang Diyos Ama ay nagnanais na isama ang lahat at maglibang ang lahat sa party sa kanyang harapan.

Bilang mga anak ng Diyos, tayong lahat ay may paanyaya para sa Kaharian niya. Imbitado tayo na damahin ang kabutihan ng Panginoon. Hindi nakapagtataka na noong itatag ng Panginoon ang kanyang Simbahan sa lupa, ang sentro nito ay isang piging o party – ang piging na tinatawag nating Eukaristiya o Banal na Misa. Sa Misa, naroon ang lahat ng sangkap ng party – awitan, usapan, batian, kainan, pagtanggap at pamamaalam. Subalit ang Misa ay hindi ordinaryong party lamang. Ito ay patikim na ng Kaharian ng Diyos dahil ang ating pagkain dito ay ang Katawan at Dugo ng Panginoon.

Ang Misa ay hindi ordinaryong pagdiriwang lamang. Ito ang pinaka-makapangyarihang karanasan ng ugnayan natin sa Diyos. Nararamdaman natin ito dahil alam natin hindi kumpleto ang linggo kapag walang Misa.  Nararamdaman natin ito kung nagsisikap tayong gawing makabuluhan ang ating pagdalo kahit maraming tukso sa paligid. Damang-dama natin ito sa tuwing napupuno tayo ng inspirasyon dahil sa mga bagay na ating natutunan sa Misa.  Mahirap ipagsa walang bahala ang Misa kapag alam natin ang tunay nitong kahulugan.

Pero may mga dapat tayong unawain at bigyang-pansin. Maraming tao, kahit Katoliko sila, ay walang pagpapahalaga sa party ng Panginoon.  Tulad sa ebanghelyo, sila ay abala sa maraming bagay na talaga namang dapat pahalagahan. Pero, mas mahalaga nga ba ang mga bagay na ito kaysa paanyaya ng Diyos na makisalo sa kanya?

Tayo namang dumadalo sa Misa, tandaan natin na malaki ang kaibahan ng  basta-basta dumadalo at ang dumadalo na may karapat-dapat na puso. Dapat maging sanhi ng pagbabalik-loob natin sa Diyos at sa kapwa ang ating Misa.  Ang Misa ay hindi lamang party na pagkatapos ay nagdudulot ng sakit ng ulo o hang-over. Ito ay piging na ang dulot ay pagbabago ng puso, buhay at landas.

Paano ka ba dumadalo sa Misa, ang piging, ang party ng Panginoon?
Halina’t dumalo sa piging ng Panginoon na may pusong bukas upang siya’y tanggapin at mahalin.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS