IKA-16 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
PAANO MAKAWALA SA MGA KAAWAY?
Hindi natin maiwasang isipin
paminsan-minsan ang mga taong nagpahirap o nanakit sa atin. Sa kailaliman ng
ating mga puso, gusto nating gantihan ang mga kaaway natin. Pero kadalasan,
gusto nating makita na nanghihina ang ating mga kaaway. Ito ang nagdudulot ng
maraming karahasan sa mga tao at bayan, tribo at komunidad. Ito ay nagdudulot rin ng matinding sakit sa
puso sa maraming indibidwal at maraming pamilya.
Ngayon, sulyapan natin ang
pag-uugali ng Diyos tungo sa mga kaaway, ang mga taong nagsabi na sila ay
kaaway ng Diyos, sa pag-ibig at bayan niya. Una, makikita natin ang ugaling
mapagpasensya. Tuwing ang mga magsasaka ay gustong bunutin ang mga ligaw na
damo na tumutubo sa tabi ng trigo, Sinasabi sa kanila ng may-ari na lupa
hayaang tumubo ang mga ligaw na damo hanggang sa anihin ang mga trigo, bigyan
ito ng oras at hayaang tumubo gaya ng karamihan.
At ang pangalawang
pag-uugali ay pagpapatawad. Sinasabi ng Aklat ng Karunungan na ang Diyos ay
binibigyan tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng oras para
pagsisihan natin ang ating mga kasalanan. Lahat ng sitwasyon ay may solusyon o
may pag-asa. Lahat ng tao ay may pag-asa. Sa kabutihan ng Puso ng Diyos, siya
ay patuloy na naniniwala sa kabutihan ng mga tao, at kahit na sa mga taong
masama o napakasama.
Balikan natin ang pinapakita
nating ugali sa mga kaaway natin, sa mga taong iniiwasan natin, sa mga taong
nakasakit talaga sa atin na dala-dala natin ngayon. Hiniling ba natin na sila
ay mamatay? Ipinagdasal ba natin na sila ay makaranas ng kabiguan at kamalasan
sa buhay nila? Kadalasan, natutuwa tayong isipin na gantihan sila, para
maranasan din nila ang sakit na naranasan natin mula sa kanila.
Sa seminaryo ay mayroon ding
“bully”. Kami ay biktima ng kanyang kayabangan o kaangasan, mahina kami at
hindi namin siya makausap o
makumpronta dahil siya ay may mas matanda
sa amin. Isang araw ay nagkaroon kami ng “Healing Mass”. Ang mga
Seminarista ay isa isang nawawalan ng nawawalan malay sa tuwing sila ay
hahawakan ng “Healing Priest”. Lumingon ako sa kanan at nakita ko ang “Bully”
na Seminarista na nawalan din ng
malay. Ako ay nangisi o napangiti at binulong sa katabi ko na nasa kaliwa na
“ang “Bully” na Seminaristang iyon ay talagang mawawalan ng malay dahil siya ay
makasalanan!” Nung lumapit na sa akin ang “Healing Priest”, hindi pa man niya
ako nahahawakan ay nagsisimula na kong matunaw at mawalan ng malay! Ipinaalala
sakin ng Diyos na wala kaming pinagkaiba nung “Bully” na Seminarista.
Sa buhay, ay di talaga
mawawala ang mga taong magpapahirap sa atin, mga taong sakim, mga taong inggit
at mga taong sinungaling. Ngunit sinasabi sa atin ng Diyos sa Ebanghelyo na
huwag tayong magpapatalo sa ating mga kaaway. Sila ay ating talunin ng walang
halong karahasan at kasamaan, talunin natin silala sa pamamagitan ng
kapangyarihan ng Ebanghelyo.
Gusto mo bang makakawala sa
iyong mga kaaway? Makinig ka sa Diyos dahil alam niya ang solusyon at ibibigay
niya ito sa iyo. Ang solusyon ay pagbabago sa ating mga ugali. Gaya ni Hesus,
yakapin nating kaugalian ng pagiging mapagpasensya at mapagpatawad. Ang
Justisya ay nasa kamay ng Diyos at ito ay darating sa takdang oras.
Kung gusto natin maging
malaya ngayon, dapat handa tayong gayahin ang Puso Ng Diyos. Maging
mapagpasensya at mapagpatawad. Hilingin natin sa Espiritu Santo na tayo ay
gabayan at suportahan.