IKA-25 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
MASISIPAG ANG MGA PILIPINO
Ang pangunahing tema ng mga pagbasa ngayon ay ang
pagtawag ng Diyos sa ating lahat, sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Pero
may nakapagtatakang detalye ng pagbasa na dapat bumagabag sa ating puso. Sabi ng may-ari ng lupain, “Bakit kayo
walang ginagawa dito?” Sagot ng mga tao
“wala po kasing magbigay sa aming ng trabaho.” Di ba nakakalungkot na maraming tao ang nais
mag-trabaho pero walang mapasukang hanap-buhay?
May kwento tayo tungkol kay Juan Tamad, na
nakakatawa sa katamaran at pag-asa na lamang sa iba. Subalit ang tunay na Pinoy ay masipag, hindi tamad. Kung hindi ganoon, bakit in demand tayo
sa ibang bansa? At pinupuri ang ating gawain at performance doon?
Ang lumalalang sitwasyon sa ekonomiya ang
nagtutulak sa mga tao na mawala sa mga pagawaan, sa mga opisina at manatiling
walang saysay kahit sa batam-bata nilang buhay. Malungkot pagmasdan ang mga
maraming malalakas at may kakayahang kababayan natin na nariyan lang sa tabi at
nakatunganga, nangangarap, naghihintay ng pagkakataon. Naranasan ko ang makita
ang tatay ko na walang trabaho at matinding kalungkutan ang naidulot nito sa
aming pamilya. Nangyayari pa rin
ito sa maraming pamilya ngayon.
Paano tayo nakakalampas sa ganitong pagsubok? Sabi
sa ebanghelyo: “Pumaroon kayo sa
aking ubasan.” Isipin ninyo na lang ang reaksyon ng mga tao sa paaanyaang
ito. Siguro tuwang-tuwa silang
pumunta sa ubasan, bitbit ang mga gamit nila at iniisip na ang upa na
tatanggapin nila at gagamitin para sa pamilya.
Ang mga kababayan natin ngayon ay sabik sa trabaho
tulad ng mga tao sa ebanghelyo.
Ang tunay na Pinoy ay hindi madaling sumuko kundi palaging lumalaban na
may karangalan at paggalang sa sarili.
Sa gitna man ng krisis, nakakahangang masdan ang mga tao na nagtitinda
ng candy o bulaklak, naglalako sa bahay-bahay, nag-aaral ng bagong
kaalaman. Kahit ang mga ekonomista
ay nagtataka sa ating lakas ng loob at pag-asa.
Sa Misa ngayon, ipanalangin natin na gabayan ng
Diyos ang ating bayan at ang buong daigdig upag magkaroon ng mas maraming
pagkakataon para sa bawat isa. Sana
magkaroon na ng hanap-buhay ang mga naghahangad nito. Sana ang mga batang nagta-trabaho ay
maging ligtas at mabigyan ng proteksyon.
Sana ang mga kabataan ay mag-aral nang mabuti upang mabago nila ang
kapalaran ng kanilang pamilya.
Sana ang mga pulitiko ay
tunay na mag-isip ng maitutulong upang maging mabunga ang ating bayan para sa
lahat ng nangangailangan. Sa tulong ng Diyos at sa ating tiwala sa sarili,
ibabangon natin ang ating buhay sa anumang pagsubok.