IKA-22 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A


PASANIN ANG KRUS

Kapag nagdarasal tayo, nagsisimula tayo sa Tanda ng Krus. Pagpasok sa simbahan, ginagawa din natin ito.  At pagkatapos ng Misa, binabasbasan tayo ng pari sa pamamagitan ng Tanda ng Krus.  Bawat pagpapala ay galing sa krus. At ang Krus ni Kristo ang nagdadala sa atin ng pagpapala.  Sa buhay ng Kristyano, hindi mapaghihiwalay ang pagpapala at ang krus.

Sa ebanghelyo ngayon, si Hesus ay nagtuturo tungkol sa paghihirap; tungkol sa kaniyang sariling paghihirao na haharapin.  Pagkatapos, hinamon niya ang mga alagad na pasanin ang kanilang mga krus at sumunod sa kanya.  Nahirapan is Pedro na tanggapin ang turong to.  Para sa kanya, ang pagsunod sa Panginoon ay panay tagumpay at kapanatagan; ang pagsunod ay dapat walang hirap, walang tinik, walang luha, walang hirap.  Subalit ang landas ni Pedro ay hindi landas ng Diyos.

Tulad ni Pedro, ang lipunan ngayo ay takot sa krus.  Gusto nating sundan ang Diyos na walang pagpapasan ng krus.  Ang krus ay popular bilang palawit sa kwintas, sa tattoo, sa hikaw pero hindi kalakip ng buhay. Dati raw sa America, and krus ang pinakasikat na tanda.  Ngayon ay logo na ng McDo ang sikat doon.

Paano ba uunawain ang salita ng Panginoon tungkol sa krus?  Hindi ito banta na ang mga alagad ay laging maghihirap. Sa halip, ito ay pampalakas ng loob na sa mga sumusunod sa kanya, may naghihintay na kahulugan at kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapasan ng krus  araw-araw.

Bawat isa ngayon ay may krus.  Ang pangungulila at karamdaman ay mga krus. Ang problema sa pera at sugat na emosyonal at pisikal sa ating pamilya ay mga krus. Krus din ang mag-aral o mag trabaho nang masigasig.  Krus din ang mga kasalanan natin sa buhay.

Alam ni Hesus na may krus tayo at sinasabi niya ngayon: huwag kang mawalan ng loob; huwag matakot; huwag kang tumakas sa Diyos at sa krus. Hayaan natin siyang tulungan tayo. Iugnay natin sa kanya ang ating krus. Sa kanya galing ang lakas at kapayapaan.  Babaguhin niya ang mga krus at gagawin niyang pagpapala.

Tandaan nating ang krus ni Kristo ay hindi natapos sa kamatayan kundi sa muling pagkabuhay.  Sa Misa, hilingin nating ang krus nating pinapasan ngayon ay magdala ng pagpapala sa kapangyarihan ni Hesus.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS