IKA-29 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON A
ANG UGALI NA AYAW NG DIYOS
Lahat
ng uri ng tao, nakasundo ni Hesus.
Ang mga makasalanan, nagbalik-loob sa kanya. Ang mga prostitutes, maniningil ng buwis, maysakit at
mahihirap, madali siyang tinanggap sa kanilang puso. Pero may isang grupo ng tao na hindi makasundo ni Hesus
hanggang huli ng buhay niya – ang mga Pariseo.
Sa
Ebanghelyo, pangit ang reputasyon ng mga Pariseo. Lagi nilang hinuhuli si Hesus sa kanyang kilos at
salita. Nais nila na mapahiya at
matanggal sa landas si Hesus.
Kitang-kita ito sa ebanghelyo ngayon. May patibong ang mga Pariseo. Una, maganda ang kanilang
salita: guro, alam po naming na
mabuti kayong tao… Pero sa likod nito ay isang patibong na magpapahamak kay
Hesus kung magkamali siya ng sagot.
Buti na lamang at nakilatis ni Hesus ang kawalang-katapatan ng mga
Pariseo. Hindi sila tapat sa
kapwa.
Sa
atin, may tawag tayo sa ganitong mga tao – mabuti pag nakaharap sa iyo pero
inaatake ka pag nakatalikod ka na.
ang sarap magsalita kapag kasama ka pero ang tunay na pakay ay sirain ka
sa iba. Sila ay mga DOBLE-CARA.
Ganito
ang mga Pariseo. Ganito maglaro
ang kanilang isip. Ganito ang laman ng kanilang puso; kaya sila ay
mapanlinlang. At alam niyo, ang ganitong uri ng pakikitungo sa kapwa ay walang
nararating na mabuti. Kung nakikipag-lokohan ka lang sa Diyos – nagdarasal,
nagsisimba, sumusunod pero hindi tapat ang puso sa pagsuko sa kanya, tigilan mo
na. alam yan ni Hesus. Nakita na niya iyan sa mga Pariseo.
Doble-cara ka ba sa Diyos?
E,
sa kapwa mo, doble-cara ka ba? Kunwari ay tapat sa asawa o katipan, pero may
itinatagong lihim? Nagpapanggap na masipag kapag nandiyan ang boss pero pag
wala, tamad naman? Nanloloko sa
magulang tungkol sa pag-aaral o sa grades? Nakikipag-kaibigan para lamang
makakuha ng pabor? Galit ang Diyos sa ganito. At kahit sinong makatuklas ng ganitong tao ay hindi na
magtitiwala o makikipag-kaibigan.
Sinayang
ng mga Pariseo ang pagkakataon na maging kaibigan si Hesus. Sinayang nila ang alok na kaligtasan.
Kapag tayo man ay nahulog sa patibong nga ka-plastikan, kawalang-katapatan –
masasaktan natin ang kapwa. Higit pa diyan, nagiging manggagamit tayo;
ginagamit natin at inaabuso ang tiwala ng iba. Tayo ang talo sa huli.
Palagay
ko wala sa atin na may gustong maging Pariseo na manloloko at hindi tapat. Subalit tanungin din natin ang sarili
kung tapat ba talaga tayo sa pakikitungo sa iba? Mapagkakatiwalaan ba tayo? Tunay ba ang ipinakikita natin sa kanila?
Idalangin
natin na sana sa Diyos man o sa kapwa tao, maging tapat at makatotohanan tayo.